Isinulat ni Zacharie Macalalad
Patnugot ni Psalm Nuguit
Larawan ni Gng. Florence Gacasan
Isinuri nina Ayesha Salazar at Gng. Myra Jaime
Itinanghal na kampeon ang tatlong mag-aaral sa Senior High School ng Pasay City National Science High School sa finals ng Brainiac: Clash of the Sci-Tech Year 3 – Quizbowl Challenge na ginanap sa Don Bosco Technical College Mandaluyong kahapon, ika-15 ng Pebrero.
Nagwagi sina Carl Niño Y. Carasco, Maxine Arella R. Reyes, at Ronan Julian Kaiser A. Castro sa tulong ng kanilang gurong tagapagsanay na si Bb. Maria Theresa L. Estilong, kasama ang iba pang guro na sina G. Christian Jayvon C. Laluna, Bb. Sarah Lee F. Delgado, Bb. Rexielle Joy V. Villareal at suporta ng pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Dr. Mark Anthony F. Familaran, punongguro.
Umiikot ang paligsahang ito sa mga asignaturang Research, Matematika, Statistics, at Agham. Layon ng paligsahang ito na hubugin ang kanilang kasanayan sa STEM upang maging masipag at matatalinong lingkod-bayan sa hinaharap.
Nagsimula ang kanilang paglalakbay nang una silang sumali sa Brainiac Cluster Qualifiers na ginanap sa Quezon City Science High School nitong ika-11 ng Enero. Tanging ang nangungunang 16 na paaralan sa bawat cluster lamang ang magpapatuloy sa finals.
Lahat ng 16 na kwalipikadong paaralan mula sa iba’t ibang cluster ay magsasama-sama para sa written portion ng paligsahan; pagkatapos nito ay 20 paaralan lamang ang magpapatuloy sa oral round ng finals.
“Ang dami naming kalaban na magagaling na schools sa NCR, and to think na hindi lang kami nag-place sa podium, pero nakapag-champion pa despite the fierce competition. Nakakagulat and at the same time nakakatuwa na me and my team were able to achieve this milestone, something we once thought was impossible to reach. Hindi ko makakalimutan ‘yung moment na ‘to—it’s definitely one for the history books,” sabi ni Reyes.
Dagdag pa niya, “The biggest challenge talaga is hindi mo mapipigilang ma-feel na unprepared ka since sobrang lawak ng coverage per subject. Mahirap din lalo na kung inclined ka lang sa specific subjects—kunwari, mas proficient ako sa Science kaysa sa Math, kaya mas mahirap para sa akin mag-review at mag-absorb ng Math concepts. Hindi nawawala sa utak ko na may mga concepts pa akong hindi nare-review, and it takes a lot of willpower para ma-retain ko lahat ng inaral ko.”
Sa kabila ng napakaraming paaralan mula sa iba’t ibang bahagi ng NCR, napagtagumpayan nilang makuha ang tropeo ng kampeon na may kasamang mga medalya at ang Php 50,000 cash prize.
