: Leigh Ann Prado

Sa pagiging isang estudyante, may mga araw talagang parang wala ka namang napapala.

Gumising ka nang maaga, naghabol sa siksikang jeep, at pumasok kahit walang tulog – tapos babagsak ka rin pala sa quiz. Kaya minsan, mapapaisip ka na lang talaga, “Para saan pa ba ‘to?”

Ganiyan ang paulit-ulit na tanong ng isang tulad kong mag-aaral na gusto nang huminto kahit sandali — ngunit babangon din namang muli. Maraming araw na sunod-sunod ang gawain, sabay-sabay ang deadline, at paulit-ulit ang pagod dahil sa mahabang oras ng klase. Pero tila walang bumabalik mula sa lahat ng paghihirap ko. Para bang ako na lang palagi ang lumalaban, at wala ni isa ang handang sumalo.

Sa bawat taon mo sa paaralan, paniguradong may iba-ibang “ikaw” na lumilitaw. Tulad ko, may bersyon ka ring puyat kaka-review pero bumagsak pa rin. May bersyon kang sumaya dahil minsan kang napansin at pinuri ng guro. At may bersyon ka ring hawak ang medalya o sertipiko habang naiiyak – dahil alam mong hindi naging madali ang pinagdaanan mo.

At ang hindi mo napapansin, sa bawat “ikaw” na dumaraan, unti-unti mong binubuo ang sarili mong kuwento.

Kuwento ng pangangarap kahit pagod na. Kuwento ng lakas ng loob kahit pinanghihinaan na. At kuwento ng mga pagkakamaling nagtuturo sa ‘yo kung paanong muling bumangon.

Lahat ng naging bersyon ng ating mga sarili – ‘yung pagod, ‘yung umiyak nang palihim, ‘yung minsang gusto nang sumuko, at ang tahimik pero patuloy na lumalaban – sila ang nagturo sa atin kung paano maging tayo ngayon. Sila ang nagtulak sa atin para matuto at magpatuloy.

At sa dami ng laban na ating hinarap, tayo ang tunay na panalo.

Hindi dahil sa tayo’y perpekto, kundi dahil hanggang ngayon, nandito pa rin tayo.

Ang “ikaw” na minsang mahina, takot, pero matapang – ay naging saksi sa pagbuo ng isang estudyanteng hindi lang matalino, kundi matatag. Hindi lang palaban, kundi buo.

At sa pagtatapos ng lahat ng ito, darating ang araw na pasasalamatan mo ang lahat ng naging bersyon ng sarili mo. Maging bersyon mo man ito na hindi huminto – o kahit pa ‘yung bersyon mong sumuko.