Sa bawat tahanan, may isang indibidwal na nananatiling tahimik ngunit matatag — ang ating mga ama. Hindi man siya palaging sentro ng kwento, siya naman ang haliging nagbibigay-lakas sa buong pamilya. Sa likod ng kaniyang katahimikan ay ang walang sawang pagsusumikap kung saan ang bawat patak ng kaniyang pawis ay siyang patunay ng mapagsakripisyo niyang pagmamahal. Ang kaniyang pagmamahal ay hindi palaging dinadaan sa mga salita, kundi sa walang-hintong pagkayod at pagbibigay ng lahat ng makakaya upang makamit lamang ang maginhawang kinabukasan para sa pamilya.
Ang ating mga ama ang tunay na simbolo ng katapangan— hindi uri ng tapang na palaban, kundi uri ng tapang na marunong magsakripisyo. Sa bawat paghakbang ng kaniyang mga anak, asahan mong siya ang unang sumusuporta, kahit pa tila’y pasanin niya ang bigat ng mundo. Hindi niya ipinapakita ang pagod, dahil para sa kaniya, mas mahalagang makita ng anak ang tibay ng loob kaysa kahinaan ng katawan.
Maraming ama ang piniling isantabi ang sariling pangarap upang unahin ang pangarap ng kanilang anak. Sapatos na luma, damit na kupas, puyat at pagod —lahat ng ‘yan ay patuloy na kinakaya alang-alang sa pamilya. Hindi sila naghihintay ng kapalit, sapagkat para sa kanila, ang bawat ngiti at tagumpay ng anak ay sapat na gantimpala.
Sa Araw ng mga Ama, nawa’y hindi lamang ito maging selebrasyon ng pagbibigay, kundi paggunita sa lahat ng di-mabilang na sakripisyo ng ating mga ama. Araw upang maipadama ang pagmamahal, paggalang, pasasalamat, at iparamdam sa kanila na ang kanilang mga sakripisyo ay hindi kailanman nalilimutan. Ang simpleng “Salamat, Tay,” ay maaaring magpagaan ng bigat na matagal na nilang dinadala.
Sa likod ng matitibay na tahanan ay may isang ama na mayroong puso ng isang tunay na bayani — bayaning hindi nangangailangan ng kapa o papuri, kundi isang yakap at pagkilala. Sa bawat tahanan, nawa’y hindi makalimutan ang halagang hindi matutumbasan ng salapi: ang pagkakaroon ng isang amang handang ialay ang lahat, para sa mga minamahal niya na higit pa sa sarili.
—
Sanggunian ng dibuho: https://www.facebook.com/share/12KJ2m9F4YN/?mibextid=wwXIfr
