Isinulat nina: Claire Domenden at Althea Loro
Sinuri ni: Gng. Myra Jaime
Patnugot ni: Psalm Nuguit
Tahimik ang kalsada tuwing Semana Santa. Para bang humihinto ang oras — walang bumubusina, walang bata sa kalsada, at ang simoy ng hangin ay tila ba may dalang panalangin. Ang mga araw na ito ay hindi lamang basta bakasyon; ito ay isang paglalakbay — hindi sa mga malalagong lugar, kundi sa daan na makapagbibigay sa atin ng panahon upang mas malalim na makilala ang sarili.
Magsisimula ang lahat sa Linggo ng Palaspas. Bitbit ang hinabing dahon, maglalakad kami patungong simbahan, sabay-sabay na hihintayin ang basbas ng Panginoon, tila isang maliit na prusisyon ng pag-asa. Ang bawat palaspas ay hindi lang palamuti — ito’y paalala ng pagsalubong natin kay Kristo sa ating buhay, kahit minsan, hindi tayo naging handa. Ngunit sa mga dasal at awitin, maririnig natin ang pagtanggap ng mga puso sa liwanag.
Susundan ang Linggo ng Palaspas ng Pabasa ng Pasyon. Ito’y paulit-ulit, paawit, at mula sa puso. Nakababagot sa una, pero habang tumatagal, parang nauunawaan ko ang bawat sakripisyo ni Kristo. Hindi ito kuwento lang, kundi isang paalala na ang pag-ibig ay may kakayahang magdulot ng sakit, ngunit laging may bitbit na aral at saysay sa ating mga buhay.
Hanggang dumating ang Biyernes Santo — ang pinakamatahimik na araw. Wala kang maririnig kundi ang yabag ng prusisyon at ang kalansing ng kandila. Sa katahimikan, naroon ang bigat ng krus, ngunit naroon din ang pag-asa. Kasi alam nating may Linggo ng Pagkabuhay. Na pagkatapos ng lahat ng luha, may ngiti. At sa Salubong, makikita natin si Maria na muling nagagalak — gaya natin sapagkat dumating ang araw ng ating pagbangon mula sa bawat pagsubok.
Ating masasabi na Semana Santa ay hindi lamang isang tradisyon — isa itong paanyaya. Isang pagninilay na kahit sa gitna ng kahirapan, may pag-asa. Na sa bawat sugat, may lunas at sa katahimikan, naroon ang boses ng Diyos — mapagpalaya at mapagpatawad.
