| Dahlia Aganan
| Leurlee Sicat

Isang click lamang. Ganoon kabilis magbabago ang takbo ng buhay mo. Sa likod ng malalaki at makukulay na ads na naglalayong manghikayat, nagtatago ang sistemang unti-unting sisira sa kinabukasan at lipunan. Sa mundo ng online gambling, hindi laging may panalo. Handa ka pa rin bang ipusta ang buhay, dangal, at kinabukasan mo?
Sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, isang click lang ang pumapagitan sa isang netizen at sa mundo ng pagsusugal. Dahil sa madaling access sa iba’t ibang mga online gambling sites, hindi ligtas ang sinoman, mapa-estudyante man o may mga trabaho o wala, sa mapanghatak na bitag nito. Libangang nagbabalat-kayo bilang isang simpleng laro sa una, ngunit kinalaunan ay nagsisilbing banta sa moralidad at seguridad sa lipunan. Nagsimula sa maliit na pusta, hanggang sa lumaki nang lumaki, na maaaring humantong sa pangingikil at pang-uumit ng pera mula sa mga magulang.
Muling lumulutang ang isyu ng online gambling dahil sa nakababahalang paglobo ng kaso ng mga menor-de-edad at mag-aaral na nalululong dito. Sa kabila ng mga regulasyong naglilimita sa pag-access nila rito, hindi pa rin lubos na ipinagbabawal ang paggamit nito. Sa murang edad pa lamang ay nahuhumaling at nasasanay na sila sa takbo ng pagsusugal, kung saan isa sa mga nakaiimpluwensya rito ay ang lantarang paglaganap ng mga ads sa iba’t ibang mga anyo tulad ng billboards at social media ads na nanghihikayat kahit walang age verification.
Nagbigay daan ang isyung ito upang mabigyang pansin ang kakulangan sa komprehensibong panukala sa paghihigpit sa mga sugal na lantad sa social media. Ilan sa mga mambabatas na nanguna rito ay si Senator Loren Legarda; kamakailan lamang ay naghain siya ng panukalang ganap na magbabawal sa pagsusugal sa iba’t ibang porma nito. Ayon sa kanya, ilan sa maaaring maging dulot ng pagsusugal ay ang panganib sa kanilang pamilya sa aspetong pinansyal at sikolohikal. Maliban sa mga nabanggit na epekto, umaayon din dito ang pahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa sa kaniyang panayam sa Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) National Mayors’ Forum 2025 noong Miyerkules na nakakaapekto rin ang adiksyon sa pagsusugal sa kapasidad ng isang tao na mag-isip, gumawa, at lubusang nakapipinsala pa sa iba.
Bagamat hindi maitatangging may malaking bahagi ito sa paglago ng ekonomiya, sa anyo ng mga trabaho at pamumuhunan, hindi ito dahilan upang magpikit-mata sa mga pinsalang dulot nito. Balewala ang mga kontribusyon nito kung nagsisilbi itong daan sa kapahamakan ng mga Pilipino. Mas mahalaga pa ring isaalang-alang ang kapakanan ng bawat sektor na apektado nito, at isipin ang mga negatibong aspeto na kaakibat ng pagkagumon sa gawaing ito.
Marapat lamang na tutukan ang paggawa ng resolusyon sa isyu ng online gambling lalo na at hindi dapat ipagsawalambahala ang sistema na nagtutulak sa mga kabataan sa panganib. Sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ) katuwang ang National Telecommunications Commission (NTC), maiwawaksi ang iba’t ibang porma ng patalastas at matitiyak ang epektibong panukala ng mas mahusay kaysa sa simpleng pagsaway lamang. Ang istriktong pagpapatupad ng mga batas at mas pinalawak na adbokasiya para sa edukasyon ukol sa panganib ng pagsusugal. Hindi na dapat isugal ang kinabukasan ng buong sambayanan bago kumilos. Bagkus, magsilbing pamulat ang krisis na ito sa mga mga lasong matagal nang sumisira sa sistema ng lipunan.