| Vic Molina
| Cassandra Fallena

Ngayong napaka-bilis ng panahon—’di mo akalain na magpa-Pasko na naman. Nadarama na ang himig ng Pasko dahil ang petsa ay kasalukuyang nasa ‘Ber Months’ na kung tawagin. Nasa paniniwala na ng mga Pilpino na ang Pasko ay purong ngiti at saya ang nadarama—ngunit, lahat nga ba ay ganito ang nararanasan? Sa loob ng maraming taon—ang isyu tungkol dito ay nananatiling tahimik at naghahangad na mabigyan ng sapat na pansin. Isang isyu na magbubukas sa ating isipan sa kung ano ang katotohanan sa likod ng mga ngiti at tagumpay na nasisilayan sa mga mukha. Sa panahon ngayon na umaarangkada ang teknolohiya at maunlad na ang isip ng mga mamamayan ay walang dahilan upang manahimik na lamang—Kailangang mapag-usapan, kailangang mabigyang-solusyon.

Sa PIlipinas, simula nang malagdaan ng dating pangulong Fidel V. Ramos ang Proclamation no. 452 noong 1994 ay nagsimula na rin ang paglaganap ng Mental health Awareness na may layuning magbigay kaalaman at kahalagahan sa lagay o sitwasyon ng mga isipan ng mga indibidwal. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Oktubre at patuloy na isinasagawa mapasahanggang ngayon. Kasabay ng pag-usbong nito ay ang paglitaw ng mga NGO’s o Non-Governmental Organizations na siyang nagpapatupad ng mga seminar, talks, at online campaigns patungkol dito. Ito ay isa sa mga paraan na nakatulong sa mas lalong pagpapalawak ng kaalaman at kahalagahan ng Mental Health. Nang malagdaan ng dating pangulo ang Republic Act No. 11036 – Mental Health Act noong Hunyo 20, 2018 ay mas lalong napagtibay ang pagpapatupad nito. Sa tulong nito ay naituturo na rin sa parehong pampubliko at pribadong paaralan ang layunin at sa kung paano ito makatutulong sa milyon-milyong tao sa mundo. Ito rin ay sumailalim sa malawakang pagpapakalat—mapa- online man o sa paaralan. Ngayon sa kasalukuyan ay patuloy na napapalawak ito dahil sa tulong ng LGU’s at iba pang programa na hawak ng gobyerno. Sa ganitong paraan ay mas mapapabilis ang pagpapalawak ng kaalaman para rito. Ito rin ay tiyak na makaiimpluwensya sa maraming tao pagkat ito ay isang batas na sinusunod ng mga indibidwal.

Sa paglipas ng panahon, kasabay ang pag-unlad ng iba’t ibang makinarya, iba’t ibang teknolohiya—Ngunit, nasaan ang Mental Health? aminin man o hindi, minsan na lang talagang pag-usapan at pag-isipan ang ganitong isyu, lagi na lamang itong nagtatago sa mga anino ng mga napapanahon at mas sikat na isyu. Bilang isang estudyante, isa-isa mang mga boses, ngunit kapag pinagsama ay tila isang makapangyarihang boses na nanghihingi ng pansin at halaga sa mga mamamayan. Ang pagbabago at pagpapahalaga ay nagsisimula hindi sa paaralan, kundi sa atin mismo; Ang pagbabago ay nagsisimula sa atin, patungo sa kapayapaan na ating kakamtin.