Isinulat ni Zacharie Macalalad
Larawan nina Gng. Chiradee Javiniar at Orange Alcaraz
Isinuri nina Gng. Myra Jaime at Matthew Vitug
Ginawaran si Akishamay P. David ng gintong medalya sa kategorya ng Science Students Olympiad.
Nasungkit ng pitong mag-aaral sa ikawalong baitang ang pilak at tansong medalya sa Academia International Minds Student Olympiad (AIMSO) Round 1 na ginanap noong ika-15 hanggang 16 ng Disyembre 2024.
Samantala, nakamit naman nina Orange Zyrille G. Alcaraz at Tristan Johann M. Bautista ang pilak na medalya para sa Mathematics Student Olympiad (MSO) na kategorya ng AIMSO, habang sina Leo Joje Zeey M. Delos Santos, Cesar C. Evangelista IV, Bryan Trevor C. Narciso, at Cedrick James B. Ramirez ay nakakuha ng tansong medalya sa parehong kategorya sa ilalim ng gabay ni Gng. Chiradee Ong Javiniar, Master Teacher II, Mathematics Department.
“Okay lang naman po yung experience namin sa AIMSO, medyo kami kinabahan sa una kasi hindi namin alam ung mga posibleng lalabas na tanong, pero habang kami ay nagsasagot na, nakakuha kami ng kaunting motibasyon dahil sa mga tanong na siguradong alam na namin ang mga tamang sagot dahil napag-aralan na namin ito sa aming mga guro pero sa iba medyo nalito-lito din kaya kinabahan,” ani Evangelista
Idinaos ang seremonya ng parangal na dinaluhan ng mga mag-aaral, mga magulang, at mga gurong tagapagsanay sa UP-NISMED sa Diliman, lungsod ng Quezon nitong ika-22 ng Pebrero.
Ayon pa kay Evangelista, “Pero sa kalahatan, ito ay masaya dahil hindi lang ito nagbibigay ng mga medalya kada isang panalo, nagbibigay din ng experience sa lahat ng estudyante na nakipag-laban, manalo man o matalo.”


