Isinulat ni: Claire Domenden
Dibuho ni: Leigh Ann Prado
Sinuri nina: Gng. Myra Jaime at Ayesha Salazar

Ngayong sumapit na ang ika-19 ng Mayo 2025, unti-unting tumitindi ang tibok ng puso ng bawat kabataang mamamahayag sa bansa. Ang National Schools Press Conference (NSPC) ay higit pa sa isang paligsahan — ito ay isang paglalakbay ng mga kabataan na handang maging tagapagsalita ng katotohanan. Hindi lamang ito laban ng talino at husay, kundi laban din ng prinsipyo at layunin. Sa entabladong ito, bitbit namin ang panata: magsulat hindi lang para manalo, kundi upang mamulat, magmulat, at magsilbing tinig ng bayan.

Hindi madali ang paghahanda. Habang ang iba’y nagpapahinga, ang mga mamamahayag ay nakayuko sa mga papel, nakikipaglaban sa pagod at pagpupuyat. Isinusuko ang ginhawa at aliw ng karaniwang kabataan — ang gala tuwing Sabado, ang tulog sa hapon, at minsan pati na ang mga kasiyahan kasama ang pamilya. Lahat nang ito’y pinapalitan ng oras para magsanay, magsulat, at patuloy na humasa ng kakayahan. Para sa amin, ang bawat sakripisyo ay binhi ng tagumpay.

Kasama rin sa paghahanda ang paglampas sa sariling mga takot. Oo, ngayon kami’y kinakabahan — sa bigat ng kompetisyon, sa laki ng inaasahan. Ngunit sa halip na umatras, kami’y lalapit pa lalo. Sapagkat ang tunay na mamamahayag ay hindi lang mahusay magsulat — marunong ding tumindig sa gitna ng kaba, maglakad sa kabila ng duda, at magsalita kahit walang pumapalakpak.

Ang NSPC ay higit pa sa tropeo. Isa itong paalala na ang aming boses ay mahalaga. Na sa murang edad, kaya nating magbigay-liwanag, mag-udyok ng pagkilos, at maghatid ng kaalaman. Isa tayong pwersa — kabataan na may panulat, kabataan na may layunin, at kabataan na handang magsakripisyo para sa mas malaking dahilan kaysa sa sarili.

At ngayong papalapit na ang laban, dala-dala namin ang kani-kaniyang layunin, husay, at puso. Hindi kami perpekto, pero kami’y handa. Handa kaming magsulat para sa bayan, magsalita para sa katotohanan, at makinig sa tinig ng bawat Pilipino. Sa NSPC, kami ay hindi lamang mga kalahok — kami ang kinabukasan ng malaya at responsableng pamamahayag.