Ngayong ika-17 ng Hunyo 2025 ay ating bibigyang pagkilala at pagpapahalaga ang mahal na paaralan. Pagkilalang hindi lamang para sa binuong eskwelahan kundi maging sa mga haligi nito. Nasaksihan ng mga taong dumaan ang parehong paghihirap at pagsisikap ng bawat guro, mag-aaral, at iba pang kabahagi ng maituturing nating ikalawang tahanan. Kapit-bisig ang bawat isa sa pagsusumikap na makamit ang inaasam na pinakamahusay na bersyon ng Pasay City National Science High School—isang paaralang maayos, ligtas, at may mataas na kalidad ng edukasyon.
Dalawang dekada at tatlong taon nang humuhulma ng iba’t ibang mag-aaral ang Pasay City National Science High School. Ang ilan sa mga nakapagtapos sa ating paaralan ay ganap nang naging parte ng sandatahang lakas ng ating bansa, naging mga kagalang-galang na mga gurong walang kapagurang tumutulong sa pagpapalawig ng kaalaman ng bagong henerasyon ng mga mag-aaral at higit sa lahat, mga nagsikamit ng kanilang mga pangarap na nagiging daan upang mabigyang boses at hustisya ang mga naaapi—sa likod man ito ng mga balita o sa gitna ng nakapapantindig balahibong korte. Ang bawat kwento ng kanilang kapalaran ang isa sa mga bumubuo ng haligi nitong ating paaralan. Nadapa ngunit bumangon. Nahirapan ngunit kinaya. Napagod ngunit lumaban. Ganiyan hinubog ng Pasay Science ang isang tunay na PaScian.
Sa pagsisimula ng bagong taong panuruan, masigla nating salubungin ang Ika-23 taong pagkakatatag o 23rd Foundation Day ng ating paaralan. Ito ay hindi lamang isang simpleng selebrasyon ngunit isang makasaysayang panahon na humubog sa kinabukasan ng napakaraming estudyante. Ang pagdiriwang na ito ay isang nobelang sumasalamin ng pagkakaisa, tagumpay, at patuloy na pag-unlad.
