| Claire Domenden
| Andrea Urbina

Sa katahimikan ng gabi, mayroong isang tao na isinusulat ang isang mensahe na sana’y magiging huling alaala ng kaniyang munting buhay. Sa ilang buwang pakikipaglaban sa depresyon, naniwala siyang wala nang saysay ang bukas. Ngunit sa mismong sandaling iyon, isang mensahe mula sa kaibigan ang dumating na tila ba’y isang anghel na pumipigil upang mangyari ang isang trahedya. “Kumusta ka? Nandito lang ako.” Iilang salita lamang ngunit naging rason ito upang muling kumislap ang pag-asa na matagal nang nawala.

Bunsod nito ang unti-unti niyang pagkatanto na hindi siya nag-iisa, na mayroong mga taong handang makinig at umalalay. Kalauna’y natutuhan niyang huminga muli, magpatingin, at tanggapin na ang kasalukuyang nararanasan ay hindi kahinaan bagkus ito’y bahagi ng isang laban na maaari niyang mapagtagumpayan.

Sa paggunita ng National Suicide Prevention Month, dala niya ang aral na mahalaga ang mental health gaya ng ibang bahagi ng ating katawan. Higit sa lahat ay naramdaman niyang mayroong mga kamay na laging handang umalalay, at mga balikat na maaaring sandalan mula sa mga kaibigan at pamilya hanggang sa mga propesyonal. Kaya ngayon at sa mga susunod na bukas ay maalala sana natin na hindi masamang huminga at magpahinga.