Balita ni Ayesha Salazar

Mga larawan nina Ayesha Salazar at Xyrel Canonoy

Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano


Dumalo ang ilang mag-aaral mula sa Pasay City National Science High School sa ika-12 Youth Summit nitong Agosto 27, 2024, sa SM Mall of Asia Arena.

 

Ang Sustainable Development Goals (SDG) ng United Nations ang naging sentro ng pagtitipon ng mga kabataan.

 

Nagsimula ang programa sa panalangin at  pambansang awit, na sinundan ng pagtatanghal ng NU Dance Company.

 

Sa pambungad na pananalita ng Chief of Staff at kinatawan ni Hon. Imelda Calixto-Rubiano na si G. Peter Eric Pardo, ibinahagi niya na ang potensyal ng kabataan at ang kanilang paghahangad ng magandang kinabukasan ang magpapalakas upang matupad ang mga Sustainable Development Goals.

 

Sinundan ito ng pambungad na pananalita nina G. Leonard Faustino, Executive Director ng Global Peace Foundation Philippines, at G. Royston Cabuñag, Program Director ng SM Cares and Youth Program.

 

Unang ibinahagi ni G. Steve Dailisan, Head of Communications ng AirAsia, ang kaniyang paksang “Building a Future of Work with Youth Participation in Emerging Industries,” kung saan ipinahayag niya na walang limitasyon sa pangarap at dapat magpursigi ang bawat isa upang maabot ito. 

 

Sunod na nagbahagi si Lyqa Maravilla, isang manunulat, EduCreator, at influencer, ng kaniyang paksang “Soft Skills Education: Education for Future Success,” kung saan ipinaliwanag niya kung ano ang soft skills at kung bakit hindi ito kayang palitan ng AI.

 

Tinalakay naman ni G. Ingill Ra ang kaniyang paksang “From Vision to Action: Engaging Youth in Global Partnerships for Sustainable Change.” Nagbigay rin ng mensahe para sa kabataan si Bb. Marie Beatrice Mendoza, Presidente at CEO ng Bless Microfinance Corporation.

 

“Harnessing Youth Creativity and Digital Innovation to Drive Industry Change” ang naging paksa ng Food Content Creator na si Bb. Abi Marquez at “From Cruelty to Kindness: Building a World Without Animal Suffering” naman ang tinalakay ni Heart Evangelista.

 

Pinangunahan nina G. Aijohn Santos at G. Lance Enghong ang Youth Pledge na sumisimbolo sa pangako ng mga kabataan na makamit ang Sustainable Development Goals.

 

Nagkaroon ng pagtatanghal ang grupong HORI7ON at nagtapos ang programa sa isang pagtatanghal mula kina Maki at Angela Ken.