| Ma. Jhoanna Muega
| Leigh Ann Prado

Kapos ang aking hininga habang binabaybay ang mahabang pasilyo. Kasabay nito ang lagi’t laging pagsulyap sa mga kamay ng orasan. Ilang minuto na akong huli sa klaseng itinuturing ko nang pangalawang tahanan. Sa pagpihit ko ng pinto, naroon ang mga matang tila buwitre kung sa aki’y tumingin. Higit pa sa lahat, naroon ang matang kanina pa ako minumulto, ngunit patuloy akong dinadalaw. Ang mga mata ng aking guro, nagtataka, at kung minsan pa’y nakakunot ang noo, nag-aasam ng sagot kung bakit ako nahuli. Marahil ay nagtatanong din kayo, paano nga ba humantong sa ganito?

Guro – Isang tao na nagbibigay ng edukasyon para sa mga mag-aaral. Sa Cebuano, ang tawag sa kanila ay “Magtutudlo,” “Manunudlo” sa Hiligaynon, o “Manursuro” para sa mga Ilocano. Napakarami man ng kanilang katawagan, isa lang naman ang kanilang hangad – ang magturo, magbigay-aral, o maghabi sa mga kabataang susunod sa kanilang yapak. Narito ako ngayon, nanatiling nakatayo sa apat na sulok ng silid-aralan, habang ang aking guro ay naghihintay ng kasagutan. Ngumiti ako kahit napipilitan, at sinabing nahuli lamang ako ng gising. Patuloy akong siniyasat ng guro, ang akala ko’y oras para sa sermon, pinaupo niya na lamang ako at patuloy na nagturo. Habang siya’y tinatanaw, muli na naman akong namangha sa kanyang pasensya at pang-unawa.

Sa isang marikit na alaala, aking muling natandaan ang hirap na aming napagdaanan, mula sa ensayo upang manalo sa isang katangi-tanging patimpalak. Tumataas ang gilid ng aking bibig kapag natatandaan ang mga turo niya, kahit na sumapit na ang gabi. Kahit na mahirap, patuloy kaming nag-ensayo, natuto, at nagsanay. Ang totoo, nahuli ako sapagkat ako’y naghahanda para sa patimpalak na aming pagtitipunan, kasama ang gurong nagtuturo sa aking harapan. Hindi man alam ng aking kasamahan, ngunit kita ko ang determinasyon ng Guro, na sa likod ng kanyang nakakatakot na mantra, ay ang pagod ngunit pursigidong magbigay-aral para sa aking mga kapwa mag-aaral. Sa mga araw na kami’y nagsasanay, lagi siyang may dalang libro’t papel, ngunit hindi lamang mga mahahabang konsepto ang kanyang itinuturo, kung hindi pa’ti na rin ang mga kaisipan sa totoong hamon ng buhay. Dito, aking napagtanto na si “Guro” ay hindi dapat natin kinatatakutan, sapagkat handa silang maging kabalikat sa mga oras na kailangan natin ng kanilang gabay.

Siyang tunay, magulang ang unang magtuturo ng mga asal sa kanilang mga supling. Ngunit, ang kasunod nito ay ang mga Guro naman ang magtuturo sa kanilang mag-aaral kung paano matuto at umangkop sa agos ng buhay pagkatapos ng mga araw ng aking pagkabata. Kung kaya’t ang mga “Manunudlo” ay bigyan natin ng pagpupugay dahil hindi lamang sila gabay sa ating mga papel, sila rin ang mga haligi ng tagapagsanay na huhubog sa mga susunod na magdadala ng karangalan ng bansa.