: Marc Jared Sario
: Leigh Ann Prado

Sa bawat pagbuhos ng ulan sa Pilipinas, karaniwang tanawin na ang pagbaha sa mga lansangan, lalo na sa mga urbanong lugar. Ngunit kasabay ng tubig-baha ang panganib na hindi agad namamalayan ng marami—ang leptospirosis. Isa itong bacterial infection na dulot ng Leptospira, isang uri ng mikrobyo na karaniwang nakukuha mula sa ihi ng daga. Kapag humalo ang ihi sa tubig-baha at nakapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat, gasgas, o kahit sa mata at bibig, maaari itong magdulot ng malubhang sakit.
Ang leptospirosis ay may mga sintomas na sa unang tingin ay kahalintulad lamang ng karaniwang trangkaso. Kabilang dito ang mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, at paninilaw ng balat o mata (jaundice), Sa ilang kaso, may kasamang pagsusuka, pananakit ng tiyan, at pamamantal. Kung hindi agad malunasan, maaaring mauwi ito sa komplikasyon gaya ng kidney failure, liver damage, at sa pinakamasamang kaso, kamatayan.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis, lalo na tuwing tag-ulan. Sa taong ito, naitala ang 37% pagtaas ng kaso at 67% pagdami ng mga nasawi kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang mabilis na pagtaas ng bilang ay patunay na maraming Pilipino pa rin ang kulang sa kaalaman tungkol sa sakit na ito.
Upang makaiwas sa leptospirosis, mahalagang iwasan ang paglusong sa baha, lalo na kung may sugat sa balat. Magsuot ng protektibong gamit tulad ng bota o makapal na sapatos, at siguraduhing maghugas agad ng kamay at paa pagkatapos makontak ang maruming tubig. Kung hindi maiiwasang lumusong sa baha, mainam na kumonsulta agad sa health center upang maagapan ang posibleng sintomas. Maaari ring magpaturok ng prophylaxis kung inirekomenda ng doktor.
Mahalaga ang patuloy na pampublikong impormasyon at edukasyon tungkol sa leptospirosis upang maiwasan ang pagkalat nito. Sa panahon ng tag-ulan, hindi lamang baha ang dapat bantayan, kundi pati na rin ang mga sakit na maaaring idulot nito. Sa pamamagitan ng wastong kaalaman at maingat na pag-iingat, maiiwasan ang panganib ng leptospirosis sa ating mga komunidad.
__
Sanggunian: https://www.pna.gov.ph/articles/1254437