Sila ay nagsisimula pa lamang, ngunit ang kanilang mga mata ay puno ng determinasyong matutuhan ang iba’t ibang aspeto ng larangang kanilang sinalihan.

Para kay Althea Loro, ang pagiging bahagi ng DSPC ay hindi inaasahan. Hindi kailanman naging madali ang pagsulat ng lathalain para sa kaniya. Ngunit dahil sa kaniyang determinasyong magsanay, kasama na ang pagtitiwala ng ibang tao, naipakita niya ang kaniyang galing kung kaya’t nagbunga ang kaniyang paghihirap. Kaya’t ngayong muling nagbukas ang pinto ng DSPC para sa kaniya, ang magiging karanasan niya ay nasa gitna ng pagkapanalo, pagkatuto, at pareho.

Ayon naman kay Recca Imperial, ang bawat sulat ay daan patungo sa makabuluhang pagpapahayag. Nagsimulang magsulat ng Balitang Pampalakasan noong elementarya, ngayon ay patuloy na hinuhubog ang kaniyang karunungan sa pagsusulat. Para sa kaniya, ito na ang pagkakataon upang mas mapalawak pa ang kaniyang kaalaman.

Si Gab Nicolas, ang tagasulat ng balita at tagakuha ng larawan ng grupo, ay naniniwalang ito ang simula ng kaniyang paglalakbay tungo sa kahusayan at tapat na paglilingkod sa katotohanan. Sa kabila ng pagiging baguhan, puno pa rin siya ng determinasyong gamitin ang kaniyang mga natututuhan.

Dahil kay Carl Victoria, nailalahad ang mga makatarungang opinyon sa pamamagitan ng kumpas ng kaniyang kamay. Naniniwala siyang ang pagguhit ay isa sa mga elementong makakapagbukas ng isipan ng tao. Dahil sa kaniyang nag-aalab na determinasyon, alam niyang ang paglalarawan ay gagamitin niya bilang sagwan sa dagat ng pagsubok na maaaring dumating ngayong DSPC.

Para naman kay Shan Galura, DSPC ang naging daan upang makabuo siya ng mga bagong ugnayan. Ito rin ang nagpabukas sa kaniyang isipan at nagpalalim sa kaniyang kakayahang umunawa. Dahil dito, natutuhan niyang ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa mga medalya, kundi sa mga aral at karanasang naipon. Kaya’t ngayong DSPC 2025, ituturing niya ito hindi lamang bilang isang kompetisyon, kundi isang pagkakataon upang maipakita ang kahalagahan ng pagiging isang mamamahayag.

Ang kanilang pagsisimula ay hindi lamang tanda ng bagong paglalakbay kundi ng isang pangako na maglilingkod nang may katapatan at integridad para sa kapakanan ng bayan.

#HusayNgPaSci

#DSPC2025