Isinulat ni Zacharie Macalalad
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Matthew Vitug
Mga larawan nina Mervyn Mason Valdez, John Michael Rodolfo, Janiree Sanchez
Idinaos ang Intramurals 2024 sa gymnasium ng Pasay City National Science High School nitong ika-8 ng Oktubre, alas-8 ng umaga, na nilahukan ng lahat ng mag-aaral at ng mga guro ng paaralan sa pangunguna ng Kagawaran ng MAPEH sa ilalim ng patnubay ng kanilang subject area coordinator na si G. Jesse R. Sigua upang opisyal na buksan ang palaro.
Sinimulan ito ng pagpasok ng mga atleta ng bawat baitang.
Sinundan ito ng doxology na pinangunahan ni Remmy Parcia at pagkanta ng pambansang awit.
Rumampa rin ang mga muse at escort ng bawat baitang, kung saan hindi lamang estudyante ang mga kinatawan, kundi pati ang mga guro.
Nagkaroon din ng kompetisyon ng yell ang bawat antas, na siyang ginamit ng mga mag-aaral upang suportahan ang kanilang mga baitang sa kabuuan ng intramurals.
Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si Gng. Arlene L. Arcellana, puno ng kagawaran ng Agham at Teknolohiya sa ngalan ni Dr. Mark F. Familaran, punongguro ng PaScie. Sambit niya, “Remember, that today isn’t just about competition— it’s all about unity and celebrating the spirit of friendly competition. Let’s give our best effort, support each other, and most importantly enjoy every moment.”
Nagkaroon din ng Oath of Sportsmanship na pinangunahan ni Juliann Angello Ilao, Kinatawan ng Badminton ng Sports Club.
Pinasimulan naman ni Emmanuel Nepomuceno, Pangulo ng Sports Club, ang pagsisindi ng sulo.
Naganap nang maayos ang pagbubukas ng Intramurals sa tulong ng mga mag-aaral mula sa ika-12 na baitang na sina Xyrel James Canonoy at Carl Niño Carasco, na nagsilbing tagapagpadaloy ng programa.
Matagumpay na isinagawa ang pagbubukas sa pangunguna ng Sports Club, SPTA, at ng school staff.
Pagkatapos nito, ang paligsahan sa Basketball at Laro ng Lahi tulad ng Tug of War at Tamaang Tao ay opisyal nang nagsimula.