Isinulat ni Alaiza Eunice S. Cruz
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Mark Matthew Vitug
Mga larawan ni Jasmine Joy Ayaton

Inilunsad nitong ika-14 ng Nobyembre ang panimulang programa tungkol sa kalusugan ng kapaligiran sa pag-iwas sa droga ng Barkada Kontra Droga (BKD) at Youth for Environment in Schools Organization (YES-O) ng Pasay City National Science High School (PCNSciHS) na may temang, “ECONTRA 2024: Kabataan, Kalikasan, at Kalusugan Laban sa Droga” sa PCNSciHS Gymnasium.

Pormal na sinimulan nina Shanellie Monique Dantes, Pangulo ng BKD, at Marian Tamayo, Pangulo ng YES-O, ang programa ng 8:05 A.M., kasunod ng pambungad na pananalita ni Dr. Mark Anthony Familaran, punongguro ng paaralan na nag-iwan ng mensahe na, “Drug addictions knows no boundaries.”

Naghanda ang mga organisasyon ng seminaryo tungkol sa ilegal na droga na pinangunahan ni G. Bryan Paragua, school nurse ng PCNSciHS. Sumaklaw sa diskusyon ang epekto ng pag-aabuso at sintomas nito, mga salik, ilang uri ng mga sangkap na naghahantong sa pagkaadik, at mga programa na inaalok ng iba’t ibang ahensiya upang matugunan ang pagkalulong.

Sa pagtatapos ng presentasyon ni G. Paragua ay naglaan ng paggawad ng pagpapahalaga sina Gng. Jackyline Lagaña, tagapayo ng BKD, at Bb. Kaye Transfiguracion, tagapayo ng YES-O, sa punong-abala.

Humataw naman sina Amiel Gonzaga at Kirsten España ng Galaw Siyensiya bilang intermission number bago magpatuloy sa aktibidad ng kaganapan.

Ngayong araw rin ginanap ang Quiz Bee na binuo ng mga paksa na nakahanay sa kamalayang hatid ng palatuntunan.

“Stay healthy, stay drug-free,” ani Gng. Lagaña para sa kanyang huling-kataga. Ang programa ay saktong natapos ng 10:26 ng umaga.

Dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa ika-10 at ika-11 baitang ang naturang asembliya para makakalap ng kaalaman tungkol sa tema.

Sa kabila ng masikip na iskedyul ay matagumpay na naitawid ang naturang okasyon. Nagsimula naman agad ang paghahanda sa pangwakas na aktibidad bukas ng ala-una ng hapon na kinaabalahan ng mga opisyal at mga miyembro ng dalawang klab.