PCNSHS Celebrates Education Support Personnel Day with Fun, Camaraderie, and Heartfelt Appreciation

(By Ms. Arlyn Esber and Ms. Rosalida Sinsuan) Pasay City, Philippines – May 16, 2025 — In honor of the often-unsung heroes of the education sector, Pasay City National Science High School (PCNSciHS) celebrated Education Support Personnel Day with a full day of festivities, recognition, and gratitude dedicated to its non-teaching staff.   Declared a special working holiday by President Ferdinand Marcos Jr. through Republic Act No. 12178, May 16 has been set aside to acknowledge the essential contributions of education support personnel—those working behind the scenes to ensure the smooth functioning of schools across the nation.   Under the leadership of Dr. Mark Anthony Familaran, Principal II, and Ms. Sara Jane De Los Santos, Assistant Principal II, PCNSciHS embraced this national celebration by treating its non-teaching staff to a well-deserved break from their daily routines. The day began at the SM Mall of Asia Entertainment Area, where the staff engaged in a friendly and spirited bowling tournament. Laughter filled the arcade as colleagues teamed up, cheered each other on, and enjoyed the camaraderie that extended far beyond the school walls.   Following the games, the group moved to a videoke lounge, where hidden singing talents took center stage. The joyous energy of the gathering highlighted the vibrant and close-knit nature of the PCNSciHS staff community.   The celebration culminated in a hearty dinner at Congo Grill Restaurant, where warm conversations and delicious food were shared. School leaders took this moment to express their deepest appreciation for the dedication and support of the non-teaching personnel.   Dr. Familaran reflected on the importance of their work, noting, “Kaya pala napapalitan taon-taon ang principal, nananatiling maayos ang takbo ng Science, kasi po ang admin ay nagtutulungan.” (“Perhaps the reason the school continues to function smoothly despite changes in leadership is because the administrative staff always work together in harmony.”)   More than just a day of leisure, the event served to recognize the integral role of non-teaching staff in the success of the institution. From administrative support to operations and logistics, these individuals ensure that students and teachers alike have the environment and resources needed to thrive.   As the evening wound down, participants left not only with full hearts and satisfied appetites but also with a renewed sense of unity and purpose. With celebrations like these, PCNSciHS continues to foster a culture of appreciation, teamwork, and mutual respect—proving that every role, whether inside or outside the classroom, is vital to educational success.

Panulat, Paninindigan, at Pangarap

Isinulat ni: Claire DomendenDibuho ni: Leigh Ann PradoSinuri nina: Gng. Myra Jaime at Ayesha Salazar Ngayong sumapit na ang ika-19 ng Mayo 2025, unti-unting tumitindi ang tibok ng puso ng bawat kabataang mamamahayag sa bansa. Ang National Schools Press Conference (NSPC) ay higit pa sa isang paligsahan — ito ay isang paglalakbay ng mga kabataan na handang maging tagapagsalita ng katotohanan. Hindi lamang ito laban ng talino at husay, kundi laban din ng prinsipyo at layunin. Sa entabladong ito, bitbit namin ang panata: magsulat hindi lang para manalo, kundi upang mamulat, magmulat, at magsilbing tinig ng bayan. Hindi madali ang paghahanda. Habang ang iba’y nagpapahinga, ang mga mamamahayag ay nakayuko sa mga papel, nakikipaglaban sa pagod at pagpupuyat. Isinusuko ang ginhawa at aliw ng karaniwang kabataan — ang gala tuwing Sabado, ang tulog sa hapon, at minsan pati na ang mga kasiyahan kasama ang pamilya. Lahat nang ito’y pinapalitan ng oras para magsanay, magsulat, at patuloy na humasa ng kakayahan. Para sa amin, ang bawat sakripisyo ay binhi ng tagumpay. Kasama rin sa paghahanda ang paglampas sa sariling mga takot. Oo, ngayon kami’y kinakabahan — sa bigat ng kompetisyon, sa laki ng inaasahan. Ngunit sa halip na umatras, kami’y lalapit pa lalo. Sapagkat ang tunay na mamamahayag ay hindi lang mahusay magsulat — marunong ding tumindig sa gitna ng kaba, maglakad sa kabila ng duda, at magsalita kahit walang pumapalakpak. Ang NSPC ay higit pa sa tropeo. Isa itong paalala na ang aming boses ay mahalaga. Na sa murang edad, kaya nating magbigay-liwanag, mag-udyok ng pagkilos, at maghatid ng kaalaman. Isa tayong pwersa — kabataan na may panulat, kabataan na may layunin, at kabataan na handang magsakripisyo para sa mas malaking dahilan kaysa sa sarili. At ngayong papalapit na ang laban, dala-dala namin ang kani-kaniyang layunin, husay, at puso. Hindi kami perpekto, pero kami’y handa. Handa kaming magsulat para sa bayan, magsalita para sa katotohanan, at makinig sa tinig ng bawat Pilipino. Sa NSPC, kami ay hindi lamang mga kalahok — kami ang kinabukasan ng malaya at responsableng pamamahayag.

Bantay sa Balota

Isinulat ni: Rhian Ariana B. BelardeDibuho ni: Leurlee Sicat Mapapaisip ka talaga kung sino nga ba sa mga politiko ngayon ang tunay na tapat at may malasakit sa bayan? Sa tuwing nalalapit ang halalan, nagsusulputan ang mga mukha sa bawat sulok ng kalsada, nasa tarpulin at billboard, maging sa telebisyon at social media. Kumakaway, ngumingiti, at nang-aakit ng boto sa pamamagitan ng mga pangako na kadalasan nama’y napapako. Sa mga panahong ito, marahil, sila’y kumakatok sa bawat pintuan, bitbit ang kanilang mga plataporma. Mga programa na ika nga nila’y hindi lamang para sa ikabubuti ng mga mamamayan kundi pati na rin sa ikauunlad ng bayan. Mga pangako na paulit-ulit nang naririnig ng mga mamamayan na umaasang umunlad ang buhay. Pabahay, trabaho, edukasyon at kalusugan na kadalasan nama’y natatapos lamang sa salita. Tuwing eleksyon, hindi lamang plataporma o mga pangako ang lumalaganap, kundi pati na rin ang mga maling impormasyon, partikular na sa mga kandidato. Noong 2022, lumabas sa isang sarbey ng Pulse Asia na 90% ng mga Pilipino ang naapektuhan ng mga pekeng balita na may kaugnayan sa pulitika. Ito ay maituturing na banta sa katotohanan, maging sa matalinong pagpili ng mga mamamayan. Sa darating na halalan 2025, na gaganapin sa ika -12 ng Mayo, muling susubukin ang husay at pagiging mapanuri ng sambayanang Pilipino sa pagpili ng mga karapat-dapat na pinuno. Ayon sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), mahigit 68 milyon ang rehistradong botante ngayong taon. Sa nakaraang eleksyon, umabot sa 83% ang voter turnout, ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng bansa. Samakatuwid, inaasahan na magpapatuloy ang mataas na antas ng partisipasyon ng mga Pilipino sa darating na halalan. Sa muling pagtaya sa balota, tayo ang may pinakamalakas na boses na may kapangyarihang pumili ng tamang pinuno. Mahalagang suriin hindi lamang ang galing magsalita kundi ang tunay na track record, mga proyektong nagawa o mga batas na naipasa. Hindi sapat ang pagiging sikat, o ang pagiging anak ng dati ring politiko. Sa pamamagitan ng matalinong pagboto, ang bawat Pilipino ay ang magsisilbing daan sa pagluklok ng mga karapat-dapat na pinuno. Bilang mamamayan, ang pagboto ay isang pananagutan, isang karapatan na kailangang gamitin nang may pag-iisip at paninindigan. Marahil, ang ilan ay mayroon nang napupusuan. Ngunit naitanong n’yo na ba sa inyong mga sarili kung ang inyong kandidato ay may sapat na kaalaman, kakayahan, at tunay na malasakit sa bayan? Ngayong 2025, habang isinasaalang-alang ang tanong na ito, kanino mo ibibigay ang boto mo?

May The Wealthiest Win

By: Aljhur DangananPublication: Angelique Inlong As Filipinos partake in yet another determinant of the nation’s future, the imminent midterm elections have provoked candidates once again in exploiting their riches—a ploy to manipulate the minds of many. Around 439 complaints of vote-buying and abuse of state resources (ASR) were disclosed by the Commission on Elections (Comelec) as of May 8, less than a week before the elections. Money distribution and cash assistance were among the most common forms of such acts. Comelec remarked that those accused must undergo evaluation first in order to file a disqualification. Vote-buying is one of the principal causes in obstructing the electoral process. Yet, it remains pervasive in the democratic country, having been prevalent and widespread for years. Candidates roam around and hand out flyers with a 500 peso bill stapled, expecting a crucial vote in return. Not only are these ploys exploitative, but a direct giveaway of their character. A genuine leader with real credentials and platforms will not go out of their way to top the poll. Despite vote-buying being a violation of the Omnibus Election Code, there has been no effective strategy against such an act due to poor implementation and weak enforcement. The lack of initiatives has enabled this stratagem to influence and trick the minds of voters. One would think that a criminal offense would result in harsh consequences—but the situation here indicates otherwise. Alas, it is beyond doubt that the impoverished have been the ideal victims of these perpetrators. What was seen as their plea for help has now been turned into a culture of exploitation during election season. Even so, vote-buying interferes with the rights of citizens to freely decide who they will vote and hinders their ability to hold candidates accountable. The Comelec and its partners must work together to prosecute the perpetrators of these acts. Whether consequences or campaign instructions, they must put a stop to the rampant influence of vote-buying. Likewise, it is every voter’s civic responsibility not to let fraud, intimidation, and deceit tamper with their decision. Both the public and those in power must be aware and ready to blow the whistle on the culprits. No amount of “ayuda” must sway the crucial votes of the people. When our country is already marred with poor and corrupt governance, we must strive to move forward, vote our conscience, and elect those who are deserving. Failure to do so will only let the wealthiest win—and those who can actually serve their country will fall.

Salamat, Ma

Isinulat ni: Althea D. LoroDibuho ni: Leurlee SicatSinuri nina: Gng. Myra R. Jaime at Ayesha Salazar Sa paglukob ng kadiliman, liwanag ang madalas na unang hinahanap. Gagalugarin ang bawat sulok upang maaninag ang kahit kaunting kislap. Hahakbang sa kabila ng makipot na daanan; tutuloy pa rin dahil sa dulo nito ay may isang inang nakaabang. Dala niya ang init ng pagmamahal, isang kayamanang walang sinuman ang makatutumbas. Hindi na mabilang ang mga bagay na ginawa ng ating mga ina para sa ating kapakanan. Sa simula pa lamang, matinding sakripisyo na ang kanilang ginawa. Kahit ang isang paa ay nasa hukay na, tayo ay kanilang isinilang upang mabigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo. At hindi pa roon natatapos ang lahat. Ibinigay nila ang ating mga unang pangangailangan: pagkain, damit, at tahanan. Kasabay nito ang mga aral o payo, paniniwala, at tradisyong humulma at huhulma sa ating pagkatao. Sila ang una nating naging guro, kaibigan, at tagapagtanggol. Mula sa unang iyak hanggang sa unang lakad, sila ang kaagapay. Marami na rin ang naging mga bansag sa kanila. Simula sa ilaw ng tahanan hanggang sa maging hero, idol o lodi, reyna, at marami pang iba. Ang mga pangalang ito ay hindi basta-basta imbento lamang. Bawat salita ay naglalarawan sa kanilang kadakilaan. Hindi natatapos sa pagkabata ang kanilang pag-aaruga. Kahit sa pag-apak natin sa pinakasensitibong yugto ng ating mga buhay, nariyan sila, patuloy tayong sinasamahan. Tunay na ang pagiging teenager ay hindi madali; hindi lamang para sa ating kabataan kundi para na rin sa mga magulang. Sa panahong ito kung saan hinahamon tayo ng mga pagsubok, pilit nila tayong inuunawa. Sa dami ng sinasabi ng lipunan, sila ang ating sandigan. Sa mundong mapanghusga, sila ang tatanggap sa atin nang buo at walang pag-aalinlangan. Gaano man kaingay ang paligid, ang kanilang mga yakap ay magbibigay ng katahimikan sa ating mga puso. Yakap na bumubulong na huwag mag-alala dahil sa kahit na anong oras at pagkakataon ay mananatili sila. Suporta. Isang bagay na mahirap ibigay para sa iba ngunit walang sawang ipararamdam ng isang ina. Makatapos man tayo sa ating pag-aaral, matanggap man tayo sa ating mga trabaho, o makabuo man tayo ng sarili nating pamilya, ang ating nanay ay palaging nakatanaw sa atin. Dekada ang kanilang ibinuhos upang matulungan tayo sa ating mga pangarap ngunit lahat ng pagod ay mawawala kapag nakita nila tayong masaya at kuntento na. Hindi madali ang buhay; may mga pagkakataong magtatampuhan, mag-aaway, at haharap sa matinding problema ngunit kaya nilang bitbitin ang lahat para sa kinabukasan ng kanilang mga supling. Oo, sila’y mapapagod ngunit muling babangon. Magagalit ngunit magpapatawad. Maghihirap ngunit magmamahal. Ganyan katamis ang kalinga ng isang ina. Kasama sa bawat pagkakataon ng buhay, mula pagkabata hanggang pagtanda, subalit kailanman ay hindi magsasawa. Ating isaisip at isapuso ang kanilang ngiti sa kabila ng panghihina, sakripisyo sa kabila ng hirap, at pagmamahal na walang katulad. Iparamdam natin na lubos ang ating pasasalamat sa kanilang mga ginawa para sa atin. Ang simpleng “mahal ko kayo,” ay maikli ngunit sapat na upang makapagpaluha sa isang ina. Idagdag pa ang “po” at “opo”, pagmamano, paghalik sa pisngi, at pagtulong sa gawaing bahay. Magaan man ang mga bagay ito, mabigat na ang kahulugan nito para sa ating mga nanay. Ito ay nagsisilbing palatandaan na ating pinahahalagahan ang kanilang pagsisikap at pagtitiyaga sa pagpapalaki sa atin. Ngayong daraan muli ang araw ng pinakamagigiting na babae sa ating mga buhay, sabay-sabay nating ibalik ang sinag ng kanilang liwanag. Salamat, Ma—Maligayang Araw ng mga Ina!

World Press Freedom Day

Patnugot: Reisha Uy Ngayong ika-3 ng Mayo, ating ginugunita ang World Press Freedom Day. Ang malayang pamamahayag ay hindi lamang para sa karapatan ng bawat mamamahayag, kundi para rin sa karapatan ng bawat mamamayan na malaman ang katotohanan. Nawa’y ang bawat katotohanan na inyong malalaman ay inyong magamit upang mapanatili ang demokrasya at katarungan sa ating lipunan.

Para sa mga Manggagawa, Para sa Masa!

Isinulat ni: Dahlia AgananDibuho ni: Leurlee Sicat Taong 1903, Ika-1 ng Mayo ang unang selebrasyon ng ‘Araw ng mga Manggagawa’ matapos magsagawa ng kilos-protesta ang unyon ng Union Obrera Democratica de Filipina (U.O.D.F.) kasama ang daang libong manggagawa mula Tondo patungong Malacañang upang iboses ang kanilang mga hinaing, mula sa artikulo ng National Library of the Philippines. Ang taunang pagdiriwang ng ‘Araw ng mga Manggagawa’ ay pagpapahalaga sa kanilang papel sa ekonomiya ng lipunan. Gayunpaman, hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang patuloy na paglaban ng bawat manggagawang Pilipino para sa pantay, makatao, at makatarungang sahod at kondisyong pangtrabaho. Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang maraming pagbabago dulot ng modernisasyon na lubusang nakaapekto sa lagay sa buhay ng bawat manggagawa at sa kanilang mga pamilya. Kung ihahambing ang kalagayan noon sa kasalukuyan, tila walang gaanong nagbago sa pinaglalaban nilang makamtan. Para sa dagdag-pasahod at patas na pagtingin at benepisyo sa mga manggagawa, hindi sila natitinag sa kabila ng pagod at hirap ulang marinig ang kanilang mga tinig. Noon pa man, dagdag-pasahod na ang isa sa mga nangungunang isyu sa lakas paggawa. Dulot ng kahirapan at desperadong paghahanap ng pagkakakitaan, karamihan ay nagtitiis sa liit ng pasahod. Sa kasalukuyan, P645 ang itinalagang minimum wage kada araw ng mga manggagawa, ngunit hindi pa rin sasapat sa dami ng mga nagtataasang bilihin at bayarin. Bunga ng magkakasunod na petisyon sa pagtataas ng pasahe sa LRT-1 at dyip, minamadali ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maipasa ang panukalang pagtataas ng P200 sa minimum wage ng mga manggagawa, ayon sa ulat ng ABS-CBN News. Bagaman nagpapatuloy pa rin ang ilan sa mga isyu sa lakas-paggawa, hindi maikakailang ang paunti-unting pagbabago ay ang simula ng progresibong hakbang mula sa paurong at palubog na kalagayan noon. Ang pakikinig sa boses ng taong bayan na binubuo ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at ang pagtaguyod sa kanilang karapatan ay ang simula ng pagbuwag sa tanikala ng kahirapan. Sa paggunita ngayon ng Araw ng mga Mangggawa, hindi matutumbasan ng isang araw na pahinga, pasasalamat, at pagpupugay sa kanilang sakripisyo at pagod sa araw-araw bilang mahahalagang pundasyon ng ekonomiya ng bansa. Hindi lamang sa mga salitang kayang bigkasin ng mga labi maipapakita ang pakikiisa sa kanila, ngunit pati na rin sa progresibong pagpapalakad at pakikiisa sa panawagang matagal na nilang inaasam—ang kaligtasan at kaayusan ng kondisyon sa pagtratrabaho. Ang pagsulong ng mga batas na para sa mga manggagawa ay pagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. Mga sanggunian:https://web.nlp.gov.ph/labor-day/https://www.abs-cbn.com/…/wage-hike-up-to-regional-wage…

Maligayang Araw ng Paggawa

Dibuho ni: Leigh Ann Prado Maligayang Araw ng Paggawa mula sa Ang Liwanag! Dahil sa mga kamay na kumakayod, may mga pangarap na unti-unting natutupad.

Sa Bawat Hakbang ng Semana Santa

Isinulat nina: Claire Domenden at Althea LoroSinuri ni: Gng. Myra JaimePatnugot ni: Psalm Nuguit Tahimik ang kalsada tuwing Semana Santa. Para bang humihinto ang oras — walang bumubusina, walang bata sa kalsada, at ang simoy ng hangin ay tila ba may dalang panalangin. Ang mga araw na ito ay hindi lamang basta bakasyon; ito ay isang paglalakbay — hindi sa mga malalagong lugar, kundi sa daan na makapagbibigay sa atin ng panahon upang mas malalim na makilala ang sarili. Magsisimula ang lahat sa Linggo ng Palaspas. Bitbit ang hinabing dahon, maglalakad kami patungong simbahan, sabay-sabay na hihintayin ang basbas ng Panginoon, tila isang maliit na prusisyon ng pag-asa. Ang bawat palaspas ay hindi lang palamuti — ito’y paalala ng pagsalubong natin kay Kristo sa ating buhay, kahit minsan, hindi tayo naging handa. Ngunit sa mga dasal at awitin, maririnig natin ang pagtanggap ng mga puso sa liwanag. Susundan ang Linggo ng Palaspas ng Pabasa ng Pasyon. Ito’y paulit-ulit, paawit, at mula sa puso. Nakababagot sa una, pero habang tumatagal, parang nauunawaan ko ang bawat sakripisyo ni Kristo. Hindi ito kuwento lang, kundi isang paalala na ang pag-ibig ay may kakayahang magdulot ng sakit, ngunit laging may bitbit na aral at saysay sa ating mga buhay. Hanggang dumating ang Biyernes Santo — ang pinakamatahimik na araw. Wala kang maririnig kundi ang yabag ng prusisyon at ang kalansing ng kandila. Sa katahimikan, naroon ang bigat ng krus, ngunit naroon din ang pag-asa. Kasi alam nating may Linggo ng Pagkabuhay. Na pagkatapos ng lahat ng luha, may ngiti. At sa Salubong, makikita natin si Maria na muling nagagalak — gaya natin sapagkat dumating ang araw ng ating pagbangon mula sa bawat pagsubok. Ating masasabi na Semana Santa ay hindi lamang isang tradisyon — isa itong paanyaya. Isang pagninilay na kahit sa gitna ng kahirapan, may pag-asa. Na sa bawat sugat, may lunas at sa katahimikan, naroon ang boses ng Diyos — mapagpalaya at mapagpatawad.

𝗦𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝘁𝗮𝘁𝗮𝗽𝗼𝘀

Isinulat ni: Althea LoroSinuri nina: Gng. Myra Jaime at Ayesha SalazarPatnugot ni: Shan Galura “𝘾𝙤𝙣𝙜𝙧𝙖𝙩𝙨!”… Isang sambitla na may libo-libong kahulugan. Maaaring para sa iba ay isa lamang itong simpleng pagbati ngunit sa totoo lang ay malalim ang mensaheng nais nitong iparating. Isang salita, walong titik… punong-puno ng makabuluhang mga aral at alaala na madadala hanggang sa pagtanda. Isang taong panuruan na naman ang matutuldukan. Aminin nating hindi ito naging madali. May mga pagkakataong napagod at nabigo tayo sa mga gawaing itinakda para sa atin. May mga panahong sumasagi na lamang sa ating isipan na sumuko ngunit sa huli… tayo ay nagwagi. Hindi tayo nagpatalo sa mga pagsubok. Hindi tayo nagpadala sa lakas at bigat ng mga problema. Tayo ay nagpakatatag, hindi nagpatinag. Luha man ay pumatak, ito ang nagsilbi nating kalasag. Lumaban tayo; hinarap natin ang mga takot at pangangambang gumambala sa ating mga puso. Lahat ng paghihirap na ating naramdaman ay nagbunga ng isang taong siksik ng mga realisasyong tiyak na makatutulong sa pagpapaunlad ng ating mga sarili. 𝘕𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘺 𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴 𝘯𝘢. Sa wakas ay nalampasan na! Lilipat na patungong susunod na kabanata ang ating mga buhay. Muling mapupuno ng mahahalagang karanasan ang mga darating pang pahina ng ating mga kwento. Sa pagitan nito ilalatha ang mga aral na hindi lamang pang-akademiko kundi pati na rin ng mga aral na maisasabuhay sa mga araw na daraan. Idagdag pang naroon ang mga alaalang magbibigay ng ginhawa sa ating mga puso. Hinding-hindi rin mawawala ang mga karanasang huhubog sa ating pagkatao. 𝘉𝘢𝘨𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘪𝘵𝘶𝘵𝘶𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘨𝘵𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴, 𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘺 𝘴𝘪𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘱𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨. Simula ng mga hakbang na ating tatahakin tungo sa ating mga minimithi. Ang isang taong tagumpay na ito ay hindi lamang pansarili bagkus ito ay isang tagumpay ng lahat—mga mag-aaral, guro, magulang, at iba pang mahal sa buhay. Sabay-sabay nating baunin ang nakaraan upang harapin ang kinabukasan. Sa labang ito ay walang mag-iisa. Hawak-kamay tayong magpursigi, magtiis, at magsikap upang sa huli ay masungkit natin ang mga nagniningning nating mga pangarap. Pagbati, T.P 2024-2025!