: Zacharie Macalalad
Mga larawang kuha ni: Dexter Ogale, Rhed Figuera, Jhanelle Voluntad

Naisakatuparan nang matagumpay ang pampinid na palatuntunan para sa Buwan ng Wika 2025 na dinaluhan ng mga guro, mga empleyado ng paaralan, mga magulang at mga mag-aaral mula ika-7 hanggang ika-12 baitang sa Gymnasium ng Pasay City National Science High School ngayong ika-3 ng Setyembre.

Ipinagdiwang ang Buwan ng Wika ngayong taon na may temang “Paglinang sa Wikang Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” na naglalayong itampok ang kahalagahan ng wika sa pagkakaisa at pag-unlad ng bayan, gayundin sa pagpapanatili ng kultura, kasaysayan, at identidad ng bawat pangkat etnolinggwistiko.

Nagsimula ang programa sa parada ng mga guro at kawani ng paaralan, na sinundan ng pambungad na pananalita ni Ayesha Salazar, Punong Patnugot ng Ang Liwanag.

“Ang ating tema ‘Paglinang sa Wikang Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa’ ay nagsilbing gabay upang ipaalala na ang wika ay hindi lamang isang sangkap ng komunikasyon bagkus ito ay ang ating diwa, ating kasaysayan, at ating pagkakaisa…ang wikang Filipino at ating mga katutubong wika ay bahagi ng ating kayamanang bayan.”

Nagbigay rin ng mensahe si G. Mark Anthony F. Familaran, punongguro ng PaSci at Gng. Sara Jane T. Delos Santos, kawaksing punongguro.

“Ito ang tunay na lasa ng mga Pilipino. Nawa’y magsilbing paalala ang buwan ng wika na hindi natatapos ngayong araw lamang ang paggamit at paglinang ng ating sariling wika. Gamitin natin ito sa pang-araw-araw…. at ipagmalaki sa mga sunod na henerasyon,” ‘ika ni G. Familaran.

“Sa pagtatapos ng Buwan ng Wika, ating ipinagtibay ang diwa ng pagkakaisa sa pamamagitan ng paghirang at sa pagpapakilala ng wikang Filipino at mga katutubong wika,” sambit naman ni Gng. Delos Santos

Pagkatapos ay ginawaran ang mga mag-aaral na nagwagi sa Indibidwal na paligsahan: islogan, komikolohiya, pagkuha ng larawan, at spoken word poetry.

Bukod dito, nagtanghal ang mga nagwagi sa pangkatang paligsahan para sa bawat baitang.

Itinampok ng 7-Newton ang kanilang Readers Theatre, gayundin ng 8-Aristotle ang kanilang RadyoDrama. Nagpakitang-gilas naman ang 9-Dalton sa Sabayang Pagbigkas, 10-Einstein sa Infomercial, 11-Banzon sa SayAwit, at 12-Zara sa Paglikha ng Awit.

Kasunod nito, iginawad ang mga sertipiko at plake sa mga pangkat na nabanggit.

Binigyan din ng sertipiko ang mga tagapagsalita, mga inampalan, at ang Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Asignaturang Filipino (KamFil), Ang Liwanag, at Bayani bilang mga organisasyong tumulong sa mga gawain ng Buwan ng Wika.

Nagbigay-buhay naman sa programa ang mga mag-aaral na sina Remmy Parcia, Mark Renier Llamas, Janieve Gabrielle Dayangco, at Althea Ventura mula sa The PaScian Glee Club at mga mananayaw ng palarong pambansa mula sa 9 – Mendeleev, mga cultural dancers, at mga miyembro ng dance sports.

Nagsilbing gurong tagapagsanay si G. Marlower M. Abuan kay Parcia at Aldin O. Lozada sa mga kasali ng dance sports at mga mananayaw ng palarong pambansa.

Nagwagi naman sa sopresang patimpalak para sa natatanging kasuotang Filipiniana si Gng. Rosalida L. Sinsuan, puno ng Kagawaran ng Agham at Teknokohiya at G. John Bryan P. Pacris, guro sa Kagawaran ng Matematika para sa natatanging kasuotang Panrehiyon.

Naging maayos ang programa sa tulong ng PaSci Chorale para sa mga preliminaryong gawain at mga tagapagpadaloy ng programa na sina Yamamoto at Salazar.

Natapos ang programa sa pangwakas na pananalita ni Sofia Michiko L. Yamamoto, Pangulo ng KamFil.

“Hindi lamang ito isang selebrasyon kundi ito ay isang paalala. Paalala na ang ating wikang Filipino ay buhay at tungkulin natin na panatilihin ang mga kaalaman sa pamamagitan ng patuloy na paggamit…,” ani Yamamoto.