Isinulat ni: Claire Domenden
Patnugot ni: Leon Manlangit
Sa bawat bansa at sa bawat sulok ng mundo, may kababaihang nag-iiwan ng bakas ng husay at katatagan. Mga indibidwal na patuloy na nakikibaka sa lipunan para sa kanilang karapatan — para sa karapat-dapat na respeto. Mga babae na unti-unting nagiging parte ng iba’t ibang larangan: Agham, Sipnayan, Politika, Edukasyon, at iba pang mga larangan na daan para sa patuloy na pagsulong ng bayan. Ngayon, sila ay hindi na lamang bahagi ng lipunan — sila mismo ang pundasyon nito.
Ngayong ipinagdiriwang natin ang Buwan ng mga Kababaihan, hindi lamang ang kanilang tagumpay ang ating kinikilala kundi maging ang kanilang mga sakripisyo, pangarap, at maging ang kanilang patuloy na laban para sa pagkakapantay-pantay, diskriminasyon, maging ang hinaharap nilang stereotyping. Gayunpaman, walang humpay pa rin ang kanilang motibasyon upang patuloy na sumulong sa pamamagitan ng kanilang kaalaman, kasanayan, at determinasyon. Sa modernisadong mundo, kasama na rin ang kababaihan na nagiging boses ng mga inaapi, at nagbibigay inspirasyon sa mga kabataang nangangarap. Sa bawat paghakbang nila tungo sa tagumpay ay hindi malayong makamit natin ang isang mundong patas at makatarungan para sa lahat.
Sa pagpapatibay ng selebrasyong ito at para na rin mas lalong mabigyang pansin ang mga nakamit ng mga kababaihan sa buong mundo ay naglulunsad ng mga programa ang iba’t ibang ahensya sa buong mundo, pampubliko man o pribado. Mga programang daan upang mamulat ang masa sa tunay na kalagayan ng kababaihan at kanilang mga kakayahan. Ilan sa mga programang ito ay ang mga seminar, awareness campaign, at paggawad ng mga parangal sa mga natatanging babae sa bawat sulok ng mundo. Higit sa lahat, daan ang buwan na ito upang mas mapaigting ang pagpapahalaga sa mga adbokasiya, batas, at patakaran na patungkol sa mga kababaihan upang kahit papaano ay maging pantay ang lipunang kanilang ginagalawan.
Masasabi nating kakaiba at hindi lamang basta-basta ang mga kababaihan. Ating silang protektahan at bigyang pagkilala ang kani-kanilang angking abilidad. Tapos na ang panahon na nananatili na lamang sa likod ng tagumpay ang mga babae sapagkat ngayon, sila na mismo ay kaagapay natin sa pagkamit ng tagumpay.
Maligayang Buwan ng Kababaihan, Pascians!
