Inilunsad ang pagbubukas ng Brigada Eskwela 2025 sa Pasay City National Science High School na dinaluhan ng mga guro, mga magulang at mga mag-aaral ngayong ika-10 ng Hunyo.

Pormal na binuksan ni Gng. Sara Jane T. Delos Santos, kawaksing punongguro ng PaSci, ang Brigada na may temang: “Sama-sama Para sa Bayang Bumabasa”.

Pinangunahan naman ni Gng. Jackyline T. Lagaña ang pagpapakita ng gawain para sa tatlong araw na Brigada Eskwela mula Hunyo 10, 11, at 13.

Gaganapin ngayong araw ang Safe Zone: Bayanihan para sa Kaligtasan na inorganisa ng Supreme Student Learner Government (SSLG), Batang Empowered and Resilient Team, at Red Cross Youth.

Gauyndin ang Classroom and Campus Cleaning para sa ika-7 at ika-12 baitang.

Magkakaroon naman ng faculty meeting, Leadership Training and Tier 3 Capacity Building, Sports for a Cause, at Classroom and Campus Cleaning ng ika-8 at ika-11 baitang sa pangalawang araw ng Brigada, Hunyo 11.

Isasagawa naman sa ikatlong araw, Hunyo 13, ang parents’ orientation at closing program, Project Eco-Wise: Planting and Waste Management, Sports for a Cause, at Classroom and Campus Cleaning ng mga ika-9 at ika-10 baitang.

“Brigada has been an ongoing tradition ng mga estudyante sa Pilipinas para mas ma-prepare sa ating school year”, sambit ni Filha Ray Penelope J. Bautista, Pangulo ng SSLG sa kanyang pangwakas na pananalita.

Naghandog din ng Brigada Jingle ang Music & Entertainment Committee ng SSLG sa pamamagitan ng audio-visual presentation.

Naging matagumpay ang programa sa tulong ng mga tagapagdaloy na sina Amiel Gonzaga, Opisyal ng Pampublikong Impormasyon ng SSLG at Martha Clave, Opisyal ng Alituntunin ng SSLG.