Isinulat ni: Rhian Ariana B. Belarde
Dibuho ni: Leurlee Sicat

Mapapaisip ka talaga kung sino nga ba sa mga politiko ngayon ang tunay na tapat at may malasakit sa bayan? Sa tuwing nalalapit ang halalan, nagsusulputan ang mga mukha sa bawat sulok ng kalsada, nasa tarpulin at billboard, maging sa telebisyon at social media. Kumakaway, ngumingiti, at nang-aakit ng boto sa pamamagitan ng mga pangako na kadalasan nama’y napapako.
Sa mga panahong ito, marahil, sila’y kumakatok sa bawat pintuan, bitbit ang kanilang mga plataporma. Mga programa na ika nga nila’y hindi lamang para sa ikabubuti ng mga mamamayan kundi pati na rin sa ikauunlad ng bayan. Mga pangako na paulit-ulit nang naririnig ng mga mamamayan na umaasang umunlad ang buhay. Pabahay, trabaho, edukasyon at kalusugan na kadalasan nama’y natatapos lamang sa salita.
Tuwing eleksyon, hindi lamang plataporma o mga pangako ang lumalaganap, kundi pati na rin ang mga maling impormasyon, partikular na sa mga kandidato. Noong 2022, lumabas sa isang sarbey ng Pulse Asia na 90% ng mga Pilipino ang naapektuhan ng mga pekeng balita na may kaugnayan sa pulitika. Ito ay maituturing na banta sa katotohanan, maging sa matalinong pagpili ng mga mamamayan. Sa darating na halalan 2025, na gaganapin sa ika -12 ng Mayo, muling susubukin ang husay at pagiging mapanuri ng sambayanang Pilipino sa pagpili ng mga karapat-dapat na pinuno.
Ayon sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), mahigit 68 milyon ang rehistradong botante ngayong taon. Sa nakaraang eleksyon, umabot sa 83% ang voter turnout, ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng bansa. Samakatuwid, inaasahan na magpapatuloy ang mataas na antas ng partisipasyon ng mga Pilipino sa darating na halalan.
Sa muling pagtaya sa balota, tayo ang may pinakamalakas na boses na may kapangyarihang pumili ng tamang pinuno. Mahalagang suriin hindi lamang ang galing magsalita kundi ang tunay na track record, mga proyektong nagawa o mga batas na naipasa. Hindi sapat ang pagiging sikat, o ang pagiging anak ng dati ring politiko. Sa pamamagitan ng matalinong pagboto, ang bawat Pilipino ay ang magsisilbing daan sa pagluklok ng mga karapat-dapat na pinuno.
Bilang mamamayan, ang pagboto ay isang pananagutan, isang karapatan na kailangang gamitin nang may pag-iisip at paninindigan. Marahil, ang ilan ay mayroon nang napupusuan. Ngunit naitanong n’yo na ba sa inyong mga sarili kung ang inyong kandidato ay may sapat na kaalaman, kakayahan, at tunay na malasakit sa bayan? Ngayong 2025, habang isinasaalang-alang ang tanong na ito, kanino mo ibibigay ang boto mo?