Written by: Jashley Damaso

Isinagawa ang kauna-unahang programang pagbibigay-pasasalamat na may temang: BEYOND THE HORIZON: Launching Future Leaders with Our Industry Partners, sa mga katuwang sa work immersion ng mga mag-aaral mula sa ika-12 baitang ng Pasay City National Science High School nitong Huwebes, ika-30 ng Enero sa Victory Pasay, Double Dragon.
 
Kabilang sa mga katuwang ang Almadeco, Barangay Health Medical Centers, CapLinq, Philippine Navy, Red Cross Pasay, RCBC Dental Clinic, San Juan de Dios Hospital at Victory Pasay ang mga pinasalamatan ng paaralan sa kanilang kooperasyon sa pagbuo ng work immersion.
 
“Hindi lamang presensya ng bawat mag-aaral ang layunin ng work immersion, ngunit ang pagkatuto at
pag-unlad ng bawat isa.” Paunang mensahe ni Gng. Sara Jane T. de los Santos, Kawaksing Punongguro, sa pormal na pagbubukas ng programa.
 
Dumalo sa pagtitipon ang ina ng lungsod, Kgg. Mayora Emi Calixto-Rubiano upang bigyang pagkilala ang mga katuwang, mga guro, at mga mag-aaral na bumuo sa work immersion. “You will feel first-hand the wonders of life outside and the confines of school, rather outside the confines of your school. The unique experiences and the world, ‘yun ang hindi natin nakikita at natutunan agad, at dito sa inyong immersion, tiyak, nakita n’yo, naramdaman n’yo, natutunan n’yo ‘yon,” aniya.
 
Dagdag pa niya, ang karanasang natutunan ng mga estudyante sa immersion ay magandang pundasyon tungo sa kinabukasan ng bawat isa, ano man ang tatahaking landas na may kaakibat na disiplina, humilidad, at determinasyon.
 
Nagbigay ng espesyal na mensahe ang punongguro ng paaralan na si Dr. Mark Anthony F. Familaran. Lubos na pasasalamat ang kaniyang ipinarating sa mga katuwang sa work immersion at hiniling sa kanila na hindi lamang ito ang unang pagkakataon ng kanilang pakikipagtulungan, ngunit sana’y magpatuloy pa sa mga susunod na pagkakataon.
 
Inanunsyo rin ni Dr. Familaran na mayroong pagbabago sa kurikulum para sa mga mag-aaral na papasok sa senior high school sa pagtatapos ng mga papaakyat na grade 11, kung saan ang work immersion ay hindi na 80 oras ng trabaho, sa halip ay magiging 320 oras ng trabaho.
 
Sa pagbibigay pasasalamat sa Poong Maykapal, naghatid ng mensahe si Senior Pastor Nixon Ng ng Victory Church upang ibahagi na hindi lamang isang damdamin ang pasasalamat, ngunit isang desisyon para ihatid sa kapwa at sa Diyos.
 
Nagbahagi naman ng karanasan at aral na natutuhan sa kanilanng work immersion ang ilang piling mag-aaral, Shanaiyen Salazar sa MIA Health Center, Neil Icaro sa San Juan De Dios Hospital, at si Filha Ray Penelope Bautista sa Philippine Navy.
 
Samantala sa panig ng mga katuwang sa work immersion, nagbahagi ng repleksyon sina HR Head Judith Maestre ng CapLink at Lieutenant Archimedes Taraya, Major Sherhannah Paiso, at Director Grace Adriano ng Philippine Navy.
 
Bahagi rin ang Donya Martha Villamor Health Center, Leveriza Health Center, at Malibay Health Center, sa mga katuwang ng paaralan.
 
Bukod pa rito, binigyang pagkilala at sertipiko ang mga guro na naging daan upang makamit ng bawat isa ang pagsasanay sa pagtatrabaho.
 
Naghandog ng awitin sina Remmy Parcia at Bea Rafanan, habang pagsayaw naman ang ipinamalas nina G. Divino Igat at Gng. Sarah Fedelin sa pampasiglang bilang.
 
Sa huli, tinapos ng tagapamahala ng work immersion na si Gng. Jackyline T. Lagaña ang programa sa pagbibigay ng kaniyang panghuling mensahe. “This is the first time that we were given this opportunity to thank face-to-face our work immersion partners,” pahayag niya. Pinaigting niya ang pasasalamat kay G. Gil Ganelo, nagsilbing tagapagdaloy rin ng programa, na mula sa kaniyang ideya na maganap ang nasabing okasyon.
 
Pinasalamatan din ng paaralan ang Victory Pasay dahil sa kanilang kontribusyon at tulong sa paaralan upang maidaos ang okasyon.