| Danica Wayne D. Araneta
| Leigh Ann Prado

Rebultong hubad—simbolo ng walang pag-aalinlangang pag-aalay ng sarili, ng sakripisyo, at tapat na paglilingkod para sa bayan. Numero unong unibersidad na matatagpuan sa Pilipinas. Hinahangaan, tinitingala at pinapangarap ng karamihan. Ang makapag-aral at higit sa lahat, makapagtapos dito, ay itinuturing na isang malaking tagumpay. Tagumpay na nagbibigay pag-asa at panibagong sigla sa sinumang nangangarap.

Ngunit ano nga ba ang taglay ng Unibersidad ng Pilipinas at ito’y itinuturing na hangarin ng napakaraming kabataang Pilipino?

“Mahirap makapasok d’yan!”, “Parang magsusuot ka sa butas ng karayom bago ka makapasa!”, ”Kapag nakapagtapos ka riyan, abot langit ang tuwang mararamdaman mo!”

Iilan lamang ito sa mga komentong madalas kong naririnig. Sa bawat araw na puno ng pasanin mula sa mga pagsusulit, takdang-aralin, at iba pang gawaing pang-akademiko, hindi natin maiwasang itanong sa sarili: “Paano ko mararating ang unibersidad na kinikilala bilang sagisag ng tagumpay at oportunidad na matagal ko nang minimithi?”

Ang Unibersidad ng Pilipinas ay hindi lamang basta – basta isang pampublikong paaralan. Isa itong kinatawan ng mga pangarap — mga pangarap na nangangailangan ng ‘di matatawarang dedikasyon, sakripisyo, at pagsisikap. Madalas, ang kaisipang ito ang nagsisilbing apoy na nagtutulak sa atin upang magpatuloy sa kabila ng pagod, puyat, at hirap. At ang laban na ito ay hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para rin sa mga taong patuloy na naniniwala sa atin, at sa ating mga kakayahan.

Ang landas patungo sa UP ay hindi madaling tahakin. Puno ito ng mga pagsubok, pagdududa, at paulit-ulit na tanong kung sapat na ba ang ating ginagawa. Ilang oras na ba ang ginugol sa pag-aaral ng mga leksyong tila hindi maintindihan? Ilang gabi na bang tulog ang isinakripisyo, ilang kasayahan ang ipinagpaliban, at ilang beses na bang muntik nang sumuko? Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin tayong naniniwala. Dahil alam nating ang bawat hirap ay may kahihinatnang ginhawa—isang mas maliwanag na kinabukasan hindi lang para sa atin, kundi para sa ating mga pamilya.

Ang pagpasok sa UP ay hindi lamang usapin ng mataas na marka o katalinuhan. Ito ay higit na pagsubok ng tibay ng loob, determinasyon, at handang magsakrapisyo lampas pa sa inaakala ng iba. Sa bawat gabing pinipilit mong manatiling gising upang matapos ang mga gawain, sa bawat pagsubok na pilit mong nilalampasan, ipinapakita mo sa sarili mo na kaya mong abutin ang pangarap mo. Ang maging Iskolar ng Bayan.

Ang pangarap na makapasok sa UP ay nagsisilbing ilaw sa madilim na daan. Isang inspirasyon sa ating mga puso upang hindi sumuko., Tinuturuan tayo ng pangarap na ito na ang tagumpay ay hindi nakakamtan sa isang iglap, kundi bunga ng pananalig, tiyaga, at pusong handang magsilbi sa lahat.

Hanggang sa dumating ang araw na hawak mo na ang liham ng pagtanggap, hanggang sa maisuot mo na ang sablay na sagisag ng tagumpay, patuloy tayong mangangarap, magsusumikap, at maglilingkod sa nasasakupan.

Dahil sa Unibersidad ng Pilipinas, ang bawat pangarap ay nagkakaroon ng layunin—ang maging tunay na alagad ng bayan.