Ginanap ang oryentasyon ng mga magulang para sa taong panuruan 2025-2026 sa huling araw ng Brigada Eskwela na dinaluhan ng mga guro, magulang, at mga mag-aaral sa Pasay City National Science High School Gymnasium nitong ika-13 ng Hunyo.
Isinagawa ang oryentasyon sa dalawang bahagi, ang unang bahagi na itinakda mula 9:00 N.U hanggang 1:00 N.H ay para sa mga magulang ng mga mag-aaral sa ika-7 baitang at mga bagong lipat na mga estudyante, habang isinagawa naman sa hapon mula 1:30 N.H hanggang 3:30 N.H na para sa mga magulang ng mga mag-aaral ng ika-8 hanggang ika-12 na baitang.
Samantala si Gng. Sarah Delos Santos, Kawaksing Punongguro ng paaralan ang nagbigay ng pambungad na pananalita.
“Naniniwala po kami rito sa PaSci na ang matagumpay na edukasyon ay bunga ng matibay na ugnayan sa pagitan ng paaralan at ng mga magulang,” wika niya.
Ipinakilala naman ng mga tagapag-ugnay ng bawat baitang na sina Gng. Anabella Cusi—Grade 7, Bb. Kaye Transfiguracion—Grade 8, G. Emerson Constantino—Grade 9, G. Napoleon Anteja Jr.—Grade 10, Gng. Michelle Carranza–Grade 11 at Gng. Chiradee Ong-Javiniar —Grade 12— ang mga guro sa lahat ng baitang. Ipinakilala rin ni Gng. Rebecca O. Esguerra, Administrative Officer III, ang mga kasama niyang admin staff na katuwang ng punongguro sa pamamalakad ng paaralan.
Sa kabilang banda, ipinakilala naman ni Dr. Mark Anthony F. Familaran, punongguro ng paaralan, ang mga puno ng kagawaran. Sa Ingles si Gng. Jackyline T. Lagaña, Matematika si Gng. Arlyn L. Esber at Gng. Rosalida Sinsuan sa Agham at Teknolohiya.
Ibinahagi rin ni Dr. Familaran ang estado ng paaralan. Inilahad niya ang portfolio ng paaralan, estado ng kalusugan ng mga mag-aaral, mga proyektong nakalaan sa taong ito, at marami pang iba.
“Sana po ngayong bagong taon ng panuruan, mas marami pa tayong pagsamahan. Pagtulungan po natin para mas maging maayos ang school year ng ating mga anak,” aniya sa pagwawakas ng kaniyang ulat.
Ibinahagi ni Gng. Anabella Cusi mula sa Kagawaran ng Ingles ang presentasyon ng mga programa sa bawat silid-aralan.
Sinundan ito ng pagpapahayag ni Gng. Jackyline Lagaña, Tagapangasiwa ng Brigada Eskwela 2025, ang mga iskedyul sa pagpasok ng mga mag-aaral sa bawat baitang.
Sa huli ay ipineresenta ni G. Gil Ganelo, Guidance Counselor ng paaralan, ang School-Parents Agreement. Sa tulong ni Ginang Arlyn Esber, nasagot ang mga katanungan ng mga magulang tungkol sa naganap na pagtatalakay.
Naging organisado ang daloy ng programa sa pumumuno ni Bb. Ashley Magistrado, ang tagapagdaloy ng programa.
Samantala, naganap naman sa bakuran ng paaralan ang Project ECO-WISE: Planting & Waste Management sa pangunguna ng YES-O Organization, SSLG, BSP at GSP sa pamamagitan ng pangongolekta, pag-uuri, at pagsasaayos ng mga recyclable materials.
Sumunod naman ay ang pampinid na programa ng Brigada Eskwela 2025 sa PaSci, binigyan ng parangal ang mga organisasyong tumulong dito gaya ng SSLG, The Quantum, Ang Liwanag, Batang Empowered and Resilient Team (BERT), Red Cross Youth (RCY), Sports Club, Booklat, Bayani, Le Compendium, Sentience, The Euclidean, Campus Integrity Crusaders (CIC), Senior Scouting Movement, Girl Scouts of the Philippines (GSP), Young Researchers Guild (YRG), Kalakbay: The Pascian Teen Center, YES-O, School Parent Teacher Association (SPTA).
Kasama rin sa nabigyang parangal sina Gng. Anabella Cusi, Ginang Melita Daliva, mga magulang sa baitang Pascal. Mga magulang sa baitang Rutherford, Ginang Jenny Delos Santos, at si Ginang Rowena Sanchez.
Tinapos ang programa sa pangwakas na pananalita ni Gng. Jenny Delos Santos, pangulo ng SPTA, na malugod na nagpasalamat sa partisipasyon ng mga magulang sa Brigada Eskwela.

















