Kahirapan, kasakiman, kawalang-katarungan.
Tunay na hinabi ang kasaysayan ng ating bayan mula sa isang madugo at marahas na daan. Sa simula pa lamang, kahit maituturing na mahina, sinubukan nating lumaban. Ipinagtanggol ang karapatan sa lupang sinilangan. Siglo ang
idumaan upang makamit natin ang pinakaaasam na kalayaan.
Nagsimula ang pananakop ng Espanya noong 1521 sa pagdating ni Magellan, na humantong sa 333 taong kolonisasyon. Maraming Pilipino ang tumutol sa katiwalian, kabilang ang tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora o mas kilala bilang GomBurZa, na binitay noong 1872 sa kabila ng kakulangan ng ebidensya. Ang kanilang di-makatarungang kamatayan ang naging hudyat ng nasyonalismo at rebolusyon sa bansa.
Ito ang isa sa mga naging inspirasyon ni Gat. Jose Rizal upang buoin ang La Liga Filipina na hindi lamang naglalayong magtaguyod ng reporma kundi pati na rin ang tulungan at ipagtanggol ang mga kasapi nito noong Hulyo 3, 1892. Ngunit agad siyang ipiniit at ipinatapon sa Dapitan. Dahil dito, naitatag ang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o kilala rin bilang Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio. Mahal na Araw ng Abril 1895, nagtungo sila Bonifacio kasama ang walo pang pinuno sa kuweba ng Pamitinan sa Montalban Rizal upang tumanggap ng mga bagong kasapi, bumuo ng mga taktika, at isulat ang Viva la Independencia Filipinas na nagdeklara na sila ay lalaban hanggang sa maabot ang mithiing kasarinlan. Samantala, ang mga miyembrong nais pa rin ng reporma mula sa La Liga Filipina ay naging bahagi ng Cuerpo de los Compromisarios.
Lumakas ang loob ng ating mga ninuno nang maganap ang sigaw sa Pugad Lawin noong Agosto 23, 1896. Dito ay sabay-sabay na pinunit ang sedulang lubos na nagpahirap sa mga mamamayan noon. Nagsimula ang rebolusyon; maraming Pilipino ang nagdusa, napaslang, at nawalan ng pamilya subalit tuloy pa rin ang himagsikan hanggang sa tuluyan na ngang napaslang si Andres Bonifacio. Noong Disyembre 14, 1897, nilagdaan ni Emilio Aguinaldo ang Kasunduan sa Biak-na-Bato kung saan nangako ang mga Kastila ng reporma at ₱800,000 bilang kabayaran, kapalit ng pagtigil ng rebolusyon at boluntaryong pagpapatapon kina Aguinaldo sa Hong Kong.
Subalit hindi rin ito nagtagal dahil nagpasimula ang Digmaang Espanyol-Amerika kung saan ang tagumpay ay nakamit ng Estados Unidos. Pagkabalik ni Aguinaldo sa Pilipinas, idineklara niya ang Hunyo 12, 1898, bilang araw ng kasarinlan ng Pilipinas sa kanyang tahanan sa Kawit, Cavite. Sa araw na ito unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas habang tinutugtog ang Marcha Nacional Filipina, na ngayon ay “Lupang Hinirang.”
Hindi natigil ang himagsikan dahil sa pagtataksil ng ilan, na humantong sa panunumpa ni Aguinaldo sa bandila ng Amerika. Bagaman may mabuting naidulot ang pananakop ng Estados Unidos sa edukasyon at ekonomiya, naranasan din ng mga Pilipino ang matinding pang-aabuso. Nang dumating ang mga Hapon, lalo pang lumala ang sitwasyon sa bansa—nakilala ang walang katarunang torture, Death March, Mickey Mouse Money, at pananamantala sa kababaihan.
Sa tulong ng Amerika, nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa pananakop ng Hapon, at opisyal na ipinagkaloob ng Estados Unidos ang kasarinlan noong Hulyo 4, 1946. Taong 1962 nang inilabas ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Proklamasyon ng Pangulo Blg. 28 na nagsasabing Hunyo 12 ang natatanging pistang opisyal sa buong Pilipinas. Pormal itong naisabatas sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 4166 na nagtatakda sa Hulyo 4 bilang “Araw ng Republika ng Pilipinas” at sa Hunyo 12 bilang “Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.”
Hindi rito natapos ang laban. Taon-taon ay hinahamon ang katatagan ng Pilipinas ng samu’t saring suliraning pambansa. Hindi matatawaran ang pawis at pagod na iniaalay ng bawat mamamayan para sa kinabukasan ng bayan. Dekada na ang lumipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ang mga pasakit ng nakaraan. Maraming buhay ang ninakaw ng mga kamao at sandata ng mga mananakop. Kinabukasan ng mga kabataan noon ay binahiran ng poot. Ngunit sa gitna ng lahat, natutunan nating tumindig—hindi lamang sa pamamagitan ng armas, kundi sa kapangyarihan ng tinig at paninindigan.
Iba’t ibang tao ang noo’y muling bumangon upang itayo ang bandera ng bansa. Marami sa kanila ang napaslang na hindi natin nalalaman ang pangalan. Mga bayaning mga mukha’y hindi natin napagmasdan. Subalit, hindi man natin sila kilala, dala-dala natin ang tagumpay na kanilang pinag-alayan ng buhay.
Nasa ating mga palad nakasalalay ang kinabukasan ng bayan. Hindi naging madali ang pagsungkit natin sa bituin ng kasarinlan. Kaya ngayong Hunyo 12, 2025, ating ipagdiwang ang ating kasarinlan at ang diwang makabayan. Muli, ngayong taon, ating pagtibayin ang sedula ng ating kalayaan.
—
Mga sanggunian:
https://philippineculturaleducation.com.ph/la-liga-filipina/
- https://www.scribd.com/…/83155564-Panahon-Ng-Pananakop…
- https://philippineculturaleducation.com.ph/biyak-na-bato/
- https://upd.edu.ph/acf-2022-isang-pagpupugay-sa-gomburza/….
- https://www.gmanetwork.com/…/saan-ginawa-ni…/story/
https://youtu.be/iTBet5IxJjs?si=7dajXFf7O2pUc2F2
https://www.youtube.com/watch?v=qNJ_bq8wpHg
