Ngayong sumapit na ang Buwan ng Hunyo, dala-dala natin ang iba’t ibang kwento ng pag-ibig—mga kwentong hindi lamang nagpapakita ng katapangan, kundi ng kalayaan. Pag-ibig na nagsasabing karapat-dapat kang magmahal at mahalin, kahit minsan ang mundo ay sinusubukan kang patahimikin. Isa itong pagdiriwang ng malalim na kahulugan ng kalayaan at pagmamahal. Pagmamahal na hindi nakakulong sa kung ano ang idinidikta ng lipunan. Dahil ang pag-ibig ay mapagpalaya.
Sa ating patuloy na paglaban para sa mga karapatan, mahalaga ka—hindi lang ngayon, hindi lang ngayong buwan na tila may puwang ka sa mundo, kundi lalo na sa mga araw na pakiramdam mo’y wala kang halaga. Sa mga gabing tila hindi ka nauunawaan. Sa mga oras na napapagod kang ipaglaban ang sarili mong katotohanan. Sa mga panahong iyon, may kakampi ka. May puwang na sa’yo nakalaan. At may pag-ibig na handang sumalubong kahit sa gitna ng katahimikan. Pag-ibig na mananatili kahit hindi madali.
Sa panahong ang pagmamahal ay rebolusyon, ang pananatiling totoo sa sarili ay isang anyo ng katapangan na kailanma’y hindi matatalo.
