Isinulat ni: Ma. Jhoanna Muega
Patnugot ni: Ashley Ballesteros

Lumitaw na muli ang sinag ng inang araw sa bintana ng aking kwarto, hudyat ng isang bagong araw sa eskwelahang pinapasukan ko. Pagtapak sa paaralan, nasilayan ko ang mga kukay lila at rosas na banderitas, nakasabit sa tarangkahan. Sinalubong ako ng mga ngiti ng babaeng guwardiya, na siyang aming proteksyon mula pagpasok at paglabas sa eskwelahan. Habang naglalakad sa pasilyo, papasok sa aming silid-aralan, nakasalubong ko ang isang binibini na may dalang panlinis, na siyang nagpapanatili ng kagandahan ng paaralan. At nang makapasok na’ko, nariyan sila, ang aking mga babaeng kamag-aral na nagtatawanan, nagkukwentuhan, at masipag na nagsusunog ng kilay. Dumaan ang ilang minuto at dumating na ang aming guro, isang ginang na aming “Pangalawang ina” sa aming pamilya sa paaralan.

Sa lahat ng aking mga naranasan kasama sila, aking napagtanto na bawat isa ay may ambag sa buhay ko. Ngayong mas lalo nating pinapansin ang mga papel ng kababaihan sa paaralan, ating bigyang pagpupugay ang kanilang mga paghihirap at sakripisyo na ibinigay para sa kapwa nila kababaihan, na nag- aaral at susunod sa kanilang sinimulang pag-asa. Kung kaya’t para sa mga kababaihang haligi ng edukasyon at kinabukasan, kayo ang nagpasimula at maghuhulma sa kapwa babae, na umabante at lumaban sa mundong ating ginagalawan.