Sa mundo ng pagsasahimpapawid ng balita, ang grupo ay hindi lamang may iisang layunin. Binubuo ito ng iba’t ibang kuwento at mga pangarap na nais abutin. Sa nalalapit na pag-abot nila sa kanilang mithiin, oras na para atin silang kilalanin.
Mula kay Kris Perez, na ang pagsali ay hindi inaasahan ngunit hindi maitatangging isa ito sa mga patimpalak na lubos niyang naramdaman ang kasiyahan. Sa pagsasahimpapawid ng balitang pampalakasan, may iisang kasiguraduhan: ihahatid niya ito nang may tikas at galing, at walang inuurungan.
Si Sofia Mañacap, na unang naipamalas ang galing sa *Radio Broadcasting – English, ay determinadong muling maranasan ang RSPC sa pangalawang pagkakataon. Bilang tagahatid ng balita, bukod sa nais niyang magbigay ng impormasyon, ay nais din niyang magsilbing inspirasyon.
Si Anikka Factor, na nagpakita ng talento sa iba’t ibang tungkulin sa larangan ng broadcasting—mula pagiging infomercialist, anchor ng TV at Radio Broadcasting, at ngayon bilang Technical Application ng grupo. Sa kaniyang pagsubok sa iba’t ibang responsibilidad, pinatunayan niyang ang kaniyang husay ay isa sa mga susi sa pagkamit ng tagumpay.
Si James Lusuegro, ang infomercialist na nagsimula sa ibang kategorya bilang mamamahayag, ay sa murang edad nagbigay-buhay na sa samahan. Kasama niya rito si May Relyn De Paz, na nasasabik na muling sumubok sa patimpalak ng pamamahayag matapos ang anim na taon.
Si Ayesha Salazar, ang Anchor 2 at tumatayong patnugot ng kategoryang Broadcasting. Nagsimula siya noong elementarya at kaniyang binitbit ang kaniyang pangalan nang manalong Best Anchor sa buong lungsod ng Pasay. Sa unang pagkakataon, nagdala rin siya ng iba’t ibang karangalan sa RSPC. Natakot man sumubok muli pagkalipas ng ilang taon, pinatunayan niyang ang alapaap ay maaabot kung may pagsisikap. Para sa kaniya, una pa lang, NSPC na ang kaniyang pangarap. At sa malayong sulok ng mundo, nakamit na niya ang bituing nakatakda para sa kaniya.
At si Matthew Vitug, ang Anchor 1 at tumatayong direktor ng grupo, ay handa nang iangat ang pangalan ng PaSci Radio Broadcasting – Filipino sa mundo ng RSPC. Mula noon, hindi kumukupas ang kaniyang determinasyon at galing sa larangang ito—sapat upang magkaroon ng puwesto sa DSPC sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Ayon sa kaniya, marami man ang nagbago sa grupo, dala pa rin nito ang tapat na balitang magpapatunay na ang korona ay walang iba kundi sa kanila. Bilang Punong Patnugot ng pahayagan, nais niyang makamit ang tagumpay ng buong samahan.
Ang mga nagmamay-ari ng iba’t ibang kuwentong ito ay magsasanib-puwersa upang maghatid ng makabuluhang balitang nagpapakita ng tunay na kalagayan ng ating lipunan. Ang grupong ito ay hindi lang basta samahan kundi boses din ng mga mamamayan. Ang bawat hakbang ng Radio Broadcasting – Filipino ay isang paalala na ang pamamahayag ay may kakayahang magbukas ng mga mata, magbigay-lakas sa mga mahihina, at magbigay-liwanag sa bawat bukas.
Ipakita ang lakas ng kolektibong tinig at magsilbing boses sa mga hindi naririnig.
