Isinulat nina Reiana Ross H. Belchez at Ma. Jhoana Mae Muega
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra R. Jaime at Jacqui De Gueño
Patnugot ni Reisha Rhysse Uy at Jacqui De Gueno
Isang bagay na madalas nating kinatatamaran, ang pagbabasa, ang nagiging susi sa paghubog ng ating kinabukasan. Sa bawat pahina ng aklat na ating nililipat, nabubuksan ang mga gabay at aral na makatutulong sa ating paglalakbay sa buhay. Hindi natin madalas mapansin, ngunit sa mga libro, natututo tayo sa pamamagitan ng mata at isipan, natutuklasan natin ang mga aral na sumasalamin sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ang pagbabasa ay hindi lamang simpleng paglipat ng mga pahina. Sa bawat kwento, binubuksan ang mga pinto sa mga mundo na nagdadala ng aliw, karunungan, at gabay. Naroon ang mga tauhan at kuwento na nagbibigay ng mga leksyon na bihira nating natututunan sa tunay na buhay, nag-aanyaya ng isang paglalakbay sa mga landas na puno ng posibilidad. Kaya’t kahit ang aklat na kinatatamaran, sa bawat salitang nakalathala, ay may kakayahang ituro sa atin ang landas tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
Sa makabagong panahon ng teknolohiya at impormasyon, mahalaga na ang bawat Pilipino ay maging mapanuri. Ang mga aklat ang nagsisilbing sandata laban sa panlilinlang at maling impormasyon. Sa pamamagitan ng pagbabasa, natututo tayong suriin at unawain ang bawat datos, kaya nagiging mas matatag tayo sa pagbubuo ng sariling pananaw at mga desisyon. Ang bawat aklat ay naglalaman ng mga lihim na katotohanang tahimik na naghihintay na mabunyag, nagpapalalim sa ating pang-unawa at pananampalataya sa mga tamang prinsipyo.
Ang mga storytelling sessions na hatid ng mga guro at estudyante ay nagsisilbing ilaw na nagpapaliwanag sa madilim na bahagi ng ating imahinasyon. Isang pagkakataon ang pagdiriwang na ito upang tuklasin ang bawat aklat na gumagabay sa atin sa pagbuo ng sariling pananaw at opinyon.
Sa pagtatapos ng Buwan ng Pagbasa, nawa’y maunawaan natin na ang pagbabasa ay hindi natatapos sa buwan ng Nobyembre. Ito ay isang patuloy na proseso na dapat nating yakapin araw-araw. Sa bawat pahinang binubuksan natin, naglalakbay tayo patungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Ang pagmamahal sa pagbabasa ay hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa susunod na henerasyon, upang sila rin ay makakita ng pag-asa sa bawat aklat.