Isinulat ni Jashley Damaso
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Mark Matthew Vitug
Mga larawan nina Mervyn Mason Valdez, John Michael Rodolfo, Kevin Factor, Van Jensen Lee
Ipinagdiwang ang pagbubukas ng Buwan ng Pagbasa ng Pasay City National Science High School nitong ika-13 ng Nobyembre, kasama ang lahat ng mag-aaral at mga guro na ginanap sa gymnasium ng paaralan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagkanta ng pambansang awit at panalangin ng PaScie Chorale.
Naghatid ng pambungad na pananalita si Dr. Mark Anthony F. Familaran, punongguro ng paaralan.
Nagpatuloy ang programa sa “Alumni Talks” mula sa malugod na pagtanggap sa mga alumni ng paaralan na sina G. Dherick Carl Dela Cruz, propesor sa Matematika sa FEU Tech. at G. Kenneth Daniel Olanday, isang manunulat ng libro. Ibinahagi ang kanilang mga personal na karanasan at mga pangaral sa mga PaScians tungkol sa kahalagahan ng pagbasa na nakatulong sa kanilang buhay. “In every aspect of your life, you have to read. Outside academics, you have to read,” saad ni G. Olanday bilang isang manunulat. Isinaad naman ni G. Dela Cruz na, “Reading is an intimate conversion between a writer and a reader.”
Pinangasiwaan ang bahaging ito ng Pangalawang Pangulo ng Le Compendium na si G. Paul Angelo Salvahan. Natapos ito sa pagbabahagi ng sertipiko ng pagpapasalamat sa mga panauhin.
Ipinahayag ni Gng. Jackyline Lagaña, puno ng Kagawaran ng Ingles ang mga aktibidad sa Buwan ng Pagbasa: Cosplay o Parada ng mga Karakter, Paligsahan sa Pagbaybay, Pagsulat ng Sanaysay, Paglikha ng Poster at Islogan na kinabibilangan ng lahat ng mag-aaral sa kani-kanilang silid, at ang Litwit Showdown na nilahukan ng mga kinatawan ng bawat baitang.
Rumampa ang mga piling mag-aaral ng bawat baitang upang maitampok ang mga karakter sa libro o mitolohiya na itinanghal ng bawat mag-aaral sa pamamahala ni G. Mark Reniel Balolo.
Nagtanghal ng isang awit si Bb. Mekylla Villapeña mula sa Baitang 12 na nagbigay saya sa lahat ng mga dumalo.
Nagsimula ang “Litwit Showdown” na nilahukan ng dalawampung mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang na pinangasiwaan nina G. Adrian Mendoza at Bb. Athena Pangilinan.
Inanunsyo ng The Quantum ang “AI Handbook” bilang isang orihinal na akda ng organisasyon na naglalahad sa mga limitasyon at paggamit ng Artificial Intelligence o AI at isa sa mga paaralang nagsagawa ng akda sa paggamit ng AI.
Binigyang parangal ang mga nanalo sa Litwit Showdown at Cosplay ng mga Karakter bago matapos ang programa.
Tinapos ni Gng. Anabella Cusi ang programa sa paghahatid ng pangwakas na pananalita.