Isinulat nina Alaiza Cruz, Zacharie Macalalad, at Ghea Nadera
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Mark Matthew Vitug

Nagwagi ang tatlong mag-aaral ng Pasay City National Science High School sa magkakaibang patimpalak na ginanap bilang pagdiriwang sa Buwan ng Filipino Values ngayong Nobyembre.

Iniuwi ni Ma. Jhoanna Mae A. Muega, mag-aaral sa ikasampung baitang ng pangkat Einstein ang unang gantimpala para sa Division Values Education Spoken Poetry Contest na ginanap nitong Martes, ika-19 ng Nobyembre sa Epifanio delos Santos Elementary School (EDSES).

Nakamit naman ni James Christopher G. Lusuegro, mag-aaral mula sa ikapitong baitang ng pangkat Edison ang ikaapat na gantimpala sa Poster Making Contest.

Habang si Nicole Margareth C. Sy mula sa ikawalong baitang ng pangkat Aristotle ay ipinamalas ang kanyang angking galing sa pagkamit ng kampeonato sa tagisan ng talino sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) noong ika-6 ng Nobyembre mula alas-otso ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon sa EDSES.

Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Filipino Values na may temang “Pagsulong ng Bagong Pilipinas: Ang kabataan bilang pundasyon ng pagbabago”, umiikot dito ang tula ni Muega na may pamagat na, “Juan sa Panibagong Bayan” pati ang likhang-sining ni Lusuegro.

Ang tula ni Muega ay hinggil sa mga katangian na kailangan ng isang kabataan upang maabot ang mga pangarap na magdudulot ng pagbabago sa lipunan.

‘Ika nga niya, “Ang pinakapaborito ko talagang linya sa aking tula ay ang ‘Dito na natin masisimulan, ang paghakbang ni Juan sa isang panibagong bayan’ sapagkat dito maipakikita ang ating pagkakaisa at pagtitiyaga upang marating ang isang bagong Pilipinas.”

Sa pagsasanay at patnubay ni G. Emerson T. Constantino, Master Teacher I ng Kagawaran ng Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapakatao ay matagumpay na itinanghal ni Muega ang kanyang tula.

Samantala, sinimulan ni Lusuegro ang kanyang poster noong Nobyembre 7-10 at ito ay ipinasa ng kanyang gurong tagapagsanay na si Gng. Mary Grace T. Dela Cruz noong Nobyembre 11 sa Dibisyon ng Pasay.

Gumamit si Lusuegro ng 1/4 illustration board at oil pastels upang ipakita ang mga pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kanyang obra.

Sa kabilang dako, pinaghandaan ni Sy ang patimpalak para sa tagisan ng talino gamit ang mga librong babasahin at mga inihandang pagsusulit ni G. Jojo Ray Dela Cruz, ang kanyang gurong tagapagsanay. Tumagal ng dalawang araw ang kanyang pag-eensayo sa naturang paligsahan.

Ang kompetisyon ay binubuo ng tatlong yugto: unang yugto na ’easy’ na tig-iisang puntos, pangalawang yugto na ’average’ na tiglilimang puntos, at huling yugto na ‘difficult’ na tigsasampung puntos.

Tinatayang nasa siyam na paaralan ang nakiisa sa kompetisyon para sa tagisan ng talino.

Sumunod sa ikalawang pwesto ang Pasay City South High School (PCSHS) samantalang ikatlong gantimpala ang nakamit ng Kalayaan National High School (KNHS).

“Huwag n’yong hahayaan na pangunahan kayo ng kaba at always believe in yourself, no matter what happens! Don’t be pressured and stressed kasi iniisip n’yo na baka hindi kayo manalo. Because at the end of the day, being chosen as a representative for our school is already a big and proud achievement,” aniya sa mga estudyanteng magsasagisag sa paaralan sa hinaharap.