Idinaos ang asamblea para sa mga magulang kaninang hapon sa Pasay City National Science High School gymnasium para sa eleksyon ng opisyales ng Homeroom Parent Teacher Association (HPTA).
Nagsimula ang pagpupulong sa panalangin, pambansang awit, at Pasay Hymn na pinangunahan ni Gng. Mary Grace T. Dela Cruz, tagapagpadaloy ng palatuntunan.
Sa pambungad na pananalita ni G. Emerson Constantino, Master Teacher II Araling Panlipunan at Election Committee Co-Chairperson, sinabi niya na nakatutulong ang opisyales ng School Parent Teacher Association (SPTA) para sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga mag-aaral ng Pasay City National Science High School.
Sinundan naman ito ng pagbabahagi ng mga nagawa nitong nakaraang taong panuruan ng School Parent Teacher Association (SPTA) na pinangunahan ni G. Alvin S. Concepcion, Pangulo ng SPTA T.P. 2023-2024.
Hinimok din ni G. Concepcion ang mga susunod na magiging opisyales ng SPTA na mas higitan ang mga nagawa nila nitong nakaraang taon, ika niya, “Hindi ka iniluklok sa posisyon para maging dekorasyon.”
Dagdag pa niya na mas bigyan ng badyet ang mga mag-aaral na mayroong kompetisyon upang makapagbigay ng suporta.
Nagbigay rin ng paglilinaw sa mga katanungan na umiral si Gng. Rebecca O. Esguerra, Administrative Officer II hinggil sa kinapuntahan ng badyet nitong nakaraang taon. Ito ay maaaring makita sa transparency board.
Opisyal na nagtapos ang asamblea sa pangwakas na pananalita ni Gng. Chiradee Javiniar, pangulo ng Samahan ng mga Guro sa PCNSciHS at tagapag-ugnay ng Kagawaran ng Sipnayan kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng PTA officers na makakatuwang para sa pag-unlad at ikabubuti ng mga mag-aaral pati na rin ang pangangalaga ng pangalan ng paaralan.
Pagkatapos ng pagtitipon sa gymnasium ay nagtungo ang mga magulang sa kani-kanilang silid-aralan para sa eleksyon ng HPTA.