Isinulat ni Gabrielle Ayesha Nicolas
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Mark Matthew Vitug

Tinanggap ni Dr. Mark Anthony Familaran, punongguro ng Pasay City National Science High School, ang UNANG PWESTO mula sa 2024 SEAMEO-Japan ESD Award sa 47th SEAMEO High Officials Meeting na ginanap sa Royal Orchid Sheraton Hotel & Towers, Bangkok, Thailand.

Nag-umpisa ang programa ng 8:00 ng umaga (ICT) na sinundan ng pambungad na mensahe mula sa SEAMEO Secretariat Director at ang awarding ceremony kung saan iginawad ang parangal.

Nakamit ang parangal ng grupo ng mag-aaral na sina Xyrel James Canonoy, Zyriel Josh Coronel,  Elyzza Marie Esteban, at Neil Josh Icaro, sa ilalim ng gabay nina Bb. Rexielle Joy Villareal, Bb. Maria Theresa Estilong, at Dr. Mark Anthony Familaran, bilang pagkilala sa kanilang partisipasyon sa 2024 SEAMEO-Japan ESD Award na may temang “Promoting Lifelong STEM Learning through Community Engagement.”

Ipinakita sa bidyo na kanilang isinumite ang Project Vinculum, kung saan tinalakay ang iba’t ibang makabago at progresibong mga programa na magsusulong ng kaunlaran sa paaralan at komunidad.

Nagbigay ang programang ito ng pagkakataon sa mga indibidwal mula sa iba’t ibang bahagi ng Timog-Silangang Asya upang ipamalas ang kanilang mga makabagong mga paraan ng pagtugon sa mga hamon sa edukasyon ngayon.

Itong tagumpay ay nagbigay-diin sa suporta mula sa mga lokal na lider, kabilang sina Mayor Emi Calixto-Rubiano, Konsehal Joey Calixto Isidro, na nagpakita ng kanilang dedikasyon sa pagpapaunlad ng edukasyon sa Lungsod ng Pasay.

Kasama rin ang mga kinatawan mula sa DepEd Dibisyon ng Pasay, na pinamumunuan nina Dr. Joel T. Torrecampo, CESO VI, Schools Division Superintendent; Dr. Quinn Norman Arreza, Assistant Schools Division Superintendent; Dr. Renato B. Mesada, Public Schools District Supervisor – Cluster 9; at si DepEd Philippines Secretary, Former Senator Sonny Angara.

Ang 47th SEAMEO High Officials Meeting na isinagawa mula ika-26 hanggang ika-28 ng Nobyembre 2024 sa Bangkok, Thailand, ay isang mahalagang kaganapan na nagpakita ng dedikasyon ng mga lider sa edukasyon at iba pang mga propesyonal mula sa buong Timog-Silangang Asya sa inobasyon, kolaborasyon, at patuloy na pagpapabuti ng edukasyon sa kasalukuyang panahon.

Mapapanood ang bidyo sa https://www.facebook.com/share/v/QbbjEmN29vQxA5Mt/