Isinulat ni: Althea D. Loro
Dibuho ni: Leurlee Sicat
Sinuri nina: Gng. Myra R. Jaime at Ayesha Salazar

Sa paglukob ng kadiliman, liwanag ang madalas na unang hinahanap. Gagalugarin ang bawat sulok upang maaninag ang kahit kaunting kislap. Hahakbang sa kabila ng makipot na daanan; tutuloy pa rin dahil sa dulo nito ay may isang inang nakaabang. Dala niya ang init ng pagmamahal, isang kayamanang walang sinuman ang makatutumbas.

Hindi na mabilang ang mga bagay na ginawa ng ating mga ina para sa ating kapakanan. Sa simula pa lamang, matinding sakripisyo na ang kanilang ginawa. Kahit ang isang paa ay nasa hukay na, tayo ay kanilang isinilang upang mabigyan ng pagkakataong masilayan ang mundo. At hindi pa roon natatapos ang lahat. Ibinigay nila ang ating mga unang pangangailangan: pagkain, damit, at tahanan. Kasabay nito ang mga aral o payo, paniniwala, at tradisyong humulma at huhulma sa ating pagkatao. Sila ang una nating naging guro, kaibigan, at tagapagtanggol. Mula sa unang iyak hanggang sa unang lakad, sila ang kaagapay.

Marami na rin ang naging mga bansag sa kanila. Simula sa ilaw ng tahanan hanggang sa maging hero, idol o lodi, reyna, at marami pang iba. Ang mga pangalang ito ay hindi basta-basta imbento lamang. Bawat salita ay naglalarawan sa kanilang kadakilaan. Hindi natatapos sa pagkabata ang kanilang pag-aaruga. Kahit sa pag-apak natin sa pinakasensitibong yugto ng ating mga buhay, nariyan sila, patuloy tayong sinasamahan. Tunay na ang pagiging teenager ay hindi madali; hindi lamang para sa ating kabataan kundi para na rin sa mga magulang. Sa panahong ito kung saan hinahamon tayo ng mga pagsubok, pilit nila tayong inuunawa. Sa dami ng sinasabi ng lipunan, sila ang ating sandigan. Sa mundong mapanghusga, sila ang tatanggap sa atin nang buo at walang pag-aalinlangan. Gaano man kaingay ang paligid, ang kanilang mga yakap ay magbibigay ng katahimikan sa ating mga puso. Yakap na bumubulong na huwag mag-alala dahil sa kahit na anong oras at pagkakataon ay mananatili sila.

Suporta. Isang bagay na mahirap ibigay para sa iba ngunit walang sawang ipararamdam ng isang ina. Makatapos man tayo sa ating pag-aaral, matanggap man tayo sa ating mga trabaho, o makabuo man tayo ng sarili nating pamilya, ang ating nanay ay palaging nakatanaw sa atin. Dekada ang kanilang ibinuhos upang matulungan tayo sa ating mga pangarap ngunit lahat ng pagod ay mawawala kapag nakita nila tayong masaya at kuntento na. Hindi madali ang buhay; may mga pagkakataong magtatampuhan, mag-aaway, at haharap sa matinding problema ngunit kaya nilang bitbitin ang lahat para sa kinabukasan ng kanilang mga supling. Oo, sila’y mapapagod ngunit muling babangon. Magagalit ngunit magpapatawad. Maghihirap ngunit magmamahal. Ganyan katamis ang kalinga ng isang ina.

Kasama sa bawat pagkakataon ng buhay, mula pagkabata hanggang pagtanda, subalit kailanman ay hindi magsasawa. Ating isaisip at isapuso ang kanilang ngiti sa kabila ng panghihina, sakripisyo sa kabila ng hirap, at pagmamahal na walang katulad. Iparamdam natin na lubos ang ating pasasalamat sa kanilang mga ginawa para sa atin. Ang simpleng “mahal ko kayo,” ay maikli ngunit sapat na upang makapagpaluha sa isang ina. Idagdag pa ang “po” at “opo”, pagmamano, paghalik sa pisngi, at pagtulong sa gawaing bahay. Magaan man ang mga bagay ito, mabigat na ang kahulugan nito para sa ating mga nanay. Ito ay nagsisilbing palatandaan na ating pinahahalagahan ang kanilang pagsisikap at pagtitiyaga sa pagpapalaki sa atin. Ngayong daraan muli ang araw ng pinakamagigiting na babae sa ating mga buhay, sabay-sabay nating ibalik ang sinag ng kanilang liwanag.

Salamat, Ma—Maligayang Araw ng mga Ina!