| Claire Domenden
| Andrea Urbina

No photo description available.
 
Paano kung sa bawat araw na lumilipas ay nararamdaman mong unti-unting tinatraydor ka ng sarili mong utak?
Na tila bawat alaala ay pinupunit ng panahon, at bawat sandaling dumaraan ay nagiging isang tanong na walang sagot.
 
Limot ko na kung anong araw ngayon, maging kung saan ko nailapag ang aking salamin. Minsan, hindi ko na rin matandaan ang daan pauwi. Siguro dala na ito ng aking pagtanda o marahil ay parusa ng paglimot. Pero buti na lang, nandiyan si Isabel.
 
Si Isabel ang laging kasama ko tuwing umaga. Siya ang nag-aabot ng suklay, ang nag-aayos ng buhok ko kapag nanginginig na ang aking mga kamay. Kapag naman nalilimutan ko ang daan pauwi, siya ang aakay sa akin. Si Isabel na marahang humahawak sa aking braso at magaan ang paghaplos ngunit palaging malamig ang mga palad.
 
Hindi ko alam kung saan ko siya unang nakilala. Basta tanda ng utak ko, matagal ko na siyang kakilala. Ngunit sa tuwing sinusubukan kong maalala, parang may ulap na bumabalot sa isipan ko, puting makapal na usok na may halong malamig na hangin. Siguro dala na rin ng aking kagustuhan na siya’y maalala kaya tuwing gabi ay dumadalaw siya sa panaginip ko. Lagi siyang nandoon, nakatayo sa gitna ng kalsada, nakaputi, at umiiyak. Minsan basang-basa ng ulan, minsan duguan ang palad. Bakit paulit-ulit? Bakit parang siya ang hindi nawawala kahit lahat ng iba’y nalilimutan ko?
 
Nais ko sanang ipagmalaki sa aking mga kapitbahay si Isabel, na parang anak ko na siya. Pero palagi nilang sinasabi na sarili ko lang daw ang kinakausap ko tuwing umaga.
“Eh paano nila nasasabi ’yon?” tanong ko minsan. “Andito si Isabel, sinusuklayan nga ako, nakangiti pa sa kanila.”
 
Ayaw kong masaktan si Isabel, kaya akin siyang kinausap. “Bakit hindi ka nila nakikita, anak? Nakasalamin naman ako, ah. Kita naman kita.” Ngumiti lang siya. “Huwag mong pansinin, Aling Tina. Mahina lang talaga ang pakiramdam nila.”
 
Pero habang tumatagal, may kakaibang lamig sa paligid tuwing kasama ko si Isabel, hindi lamig ng hangin, kundi lamig na gumagapang sa ilalim ng balat. Kapag hinahawakan niya ang mga kamay ko, parang may humihigop ng init mula sa katawan ko. At sa tuwing tumitingin siya sa malayo, tila ba’y may mga aninong naglalakad sa paligid, mga aninong walang mukha, walang pinatutunguhan, tila naghihintay lamang ng isang tawag.
 
Minsan, sa gabi, maririnig ko ang mahinang pagkaluskos sa labas ng bintana. “Isabel?” Mula sa dilim ay lilitaw siya, maputi, walang tunog ang mga yapak, at may basang buhok na nakadikit sa pisngi. “Ang lamig naman ng gabi,” sabi ko pa nga minsan. Ngumiti siya. “Mas lalong lalamig kapag wala ka na.”
 
Isang gabi, nang pinakamaliwanag ang buwan, tinanong ko siya, “Isabel, paano nga ba tayo nagkakilala?” Tahimik siya sandali bago nagsalita. “Aling Tina, naaalala mo pa ba kung nasaan ka noong gabi na umulan ng malakas?”
 
Pinilit kong isipin. Dumaloy sa isip ko ang tunog ng kulog, ang pag-ugong ng gulong sa basang kalsada, at isang malakas na bangga. Tumama ang liwanag ng ilaw sa mukha ni Isabel, puting-puti, at sa kanyang mga mata, may piraso ng sasakyan na nakabaon.
 
“Hindi ko matandaan,” sabi ko habang nanginginig. Lumapit siya. Hinawakan ang kamay ko, malamig, nakakatakot. “Doon tayo unang nagkita,” bulong niya. “Ako ’yung babae sa kalsada. Hindi mo ako nakita agad.” Nanlamig ang dugo ko. “A-anong ibig mong sabihin?”
Ngumiti siya, at sa unang pagkakataon, nakita ko kung gaano kadilim ang ngiti niya. “Matagal na akong ligaw, Aling Tina,” mahinang sabi niya, halos pabulong. “Matagal na kitang hinihintay. Kaya ngayon…”
 
Biglang lumamig ang paligid. Umuusok ang hininga ko kahit nasa loob kami ng bahay. Ang mga anino sa paligid ay gumagalaw, unti-unting lumalapit. Ang liwanag ng bumbilya sa kisame ay kumurap, at sa salamin sa tapat namin, nakita ko, wala si Isabel sa repleksyon. Paglingon ko, nasa likod ko na siya. “…nais kong ako naman ang samahan mo,” sabi niya, bago ko maramdaman ang malamig niyang kamay sa aking batok.
 
Pagkatapos no’n, tumigil ang lahat. Tahimik. Walang hangin, walang init, walang takot.
At sa wakas, naalala ko na. Ang ulan. Ang sigaw. Ang babae sa kalsada.