Nasungkit ng Pasay City National Science High School ang Overall Champion sa Balangay 2026 na may temang “Balangay 2026: Impeach Me Maybe” na ginanap sa University of the Philippines Diliman, kahapon, ika-7 ng Nobyembre.                                                                                                                                      Nanguna sina Alexandra Del Villar, John Roy Benzon, at Jose Maria Sinag Laya matapos makuha ang unang puwesto sa Quiz Bowl. Natamo naman ni Mayzee Lyka Medina ang ikalawang pwesto sa Argumentative Essay. Habang ikatlong puwesto ang nakuha nina Martha Clave sa Extemporaneous Speech at Leigh Ann Joy Prado sa Editorial Cartooning. Nakamit ng mga mag-aaral ang tagumpay sa ilalim ng gabay ni G. Marlon Rustico M. Palaganas, Teacher III ng Kagawaran ng Araling Panlipunan.                      Ang Balangay ay isang taunang programa na inoorganisa ng University of the Philippines Association of Political Science Majors (UP-APSM). Layon nitong maitaguyod ang disiplina ng agham pampulitika pati na rin ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa lipunan sa pamamagitan ng mga talakayan at akademikong paligsahan.                                                                                                                                                      “Napaka-importante talaga ng kaalaman sa pulitika sa panahon ngayon, kaya nagpapasalamat kami sa oportunidad na ‘to kasi hindi lang nasubok yung kaalaman namin kundi nadagdagan din kami ng kaalaman mula pa sa mga mahuhusay sa kanilang larangan. Pero ayun, talagang nasubok kaming tatlo sa mga questions sa quiz bee,” ani Alexandra Del Villar.