Written By: Alaiza Eunice Cruz
Nilabanan at ipinamalas ng mga delegado ng Pasay City National Science High School (PCNSciHS) ang kanilang husay sa Regional Schools Press Conference 2026 (RSPC 2026) na ginanap noong ika-10 hanggang ika-14 ng Marso sa University of Perpetual Help System – DALTA (UPHSD) sa lungsod ng Las Piñas.
Sa 16 na dibisyon ng National Capital Region (NCR) na nagpakitang-gilas sa kompetisyong inorganisa ng Department of Education – NCR, nasungkit ng koponan ng TV Broadcasting – Filipino na binubuo nina Marco Mallorca at Ayesha Ehris Bernadette Salazar ang Unang Pwesto sa natatanging parangal na Best in Developmental Communication. Ginabayan sila ng mga gurong tagapagsanay na sina G. Randie Pimentel ng PCNSciHS, G. Jesus Valencia Jr. ng KNHS, Gng. Elizabeth Avila ng PCWHS, at G. Christian Fababeir ng PSD.
Tinapos din ni Carl Vincent C. Chua ang kanyang limang taong paglahok sa RSPC sa pagsungkit ng pilak na medalya sa kategoryang Pagsulat ng Balitang Pampalakasan sa gabay nina Gng. Ashlee M. Castillo, G. Mark Balolo, at Gng. Myra Jaime, mga gurong tagapagsanay mula sa PCNSciHS.
Hindi rin nagpahuli ang koponan ng TV Broadcasting – English na binubuo nina Neil Josh Icaro, Elyzza Marie Esteban, Martha Ysabella Clave, Fhel Rica Sumodlayon, Juan Miguel Santos, at William Kyle Pascual nang makamit nila ang Ikalawang Pwesto sa Best Technical Application, Ikatlong Pwesto ni Icaro bilang Best Director, at Ikatlong Pwesto sa Best TV Newscast sa gabay ng gurong tagapagsanay na sina G. Balolo at Bb. Abigail Mia Sarmiento mula sa PSD.
Napagtagumpayan din ng school paper na The Quantum ang Ikawalong Pwesto sa Best Feature Page na tinanggap ni G. Balolo noong ika-10 ng Marso sa UPHSD.
Umarangkada ang mga indibidwal na kategorya sa unang araw ng kompetisyon maliban sa Isports at Pagkuha ng Larawan. Sinundan ito sa ikalawang araw ng TV Broadcasting – Filipino, Online Publishing (English at Filipino), at mga natitirang indibidwal na kategorya.
Samantala, isinagawa naman sa ikatlong araw ng paligsahan ang TV Broadcasting – English at Collaborative Writing and Desktop Publishing- English at Filipino.
Idinaos ang araw ng pagkilala noong ika-14 ng Marso upang parangalan ang mga nagsipagwagi sa RSPC 2026.
Ayon kay Salazar, punong patnugot ng Ang Liwanag, higit pa sa kompetisyon ang Press Conference dahil sumasalamin ito sa pangarap at paninindigan ng mga mamamahayag na ipaglaban ang katotohanan.
“Ang tunay na diwa ng pamamahayag ay hindi lamang nasusukat sa medalya o pagkapanalo. Ito ay nasusukat sa kakayahang ipaglaban ang katotohanan at panatilihin ang integridad sa bawat salitang isinusulat,” aniya bilang paghihikayat sa mga kabataang mangarap nang mataas at panindigan ang katotohanan.









