Written by: Zacharie Macalalad

Nagpakitang-gilas ang mga mag-aaral ng ika-11 baitang ng Pasay City National Science High School sa Research Fair 2026 — Exhibit Presentation na ginanap sa University of the Philippines Diliman (UP) College of Engineering ngayong ika-15 ng Enero.
 
Apat na grupo ang nagtanghal ng kani-kanilang pag-aaral na isinagawa noong nakaraang taong panuruan sa ilalim ng gabay ni Gng. Shannen Dorothy P. Gomez.
 
Pinangunahan ng UP ang patimpalak na may layong ipakita ang kanilang kakayahan at mga natuklasang siyentipiko, maipamalas ang galing ng mga kabataang Pilipino sa Agham at Teknolohiya, makipagpalitan ng kaalaman sa mga propesyonal, at mapaunlad ang kanilang kasanayan, inobasyon, at pagpapahalaga sa Science at Technology.
 
Nakapasok ang mga delegado sa Exhibit Presentation matapos mapabilang sa Top 25 studies ng unang screening, ang Journal Entry Round na sinalihan ng mga paaralan mula Luzon, Visayas, at Mindanao noong ika-21 ng Nobyembre, 2025 hanggang ika-5 ng Enero.
 
“Doon namin unang naranasan ang magpahayag sa harap ng maraming tao dahil nasanay kami na kaunti at judges lang nakakarinig sa amin. Ngayon, maraming tao ang nakapalibot sa amin kaya ‘yon ay isang naging kulturang nakakagulat o culture shock. Doon din namin nakilala ‘yong mga iba’t ibang estudyante na nagmula pa sa iba’t ibang lugar, lalo na sa mga malalayong lugar,” ani Maria Muega, isa sa mga kinatawan.
 
Dagdag pa ni Rhiane Lao, kinatawan din ng paligsahan, hindi niya malilimutan ang karanasang ito sapagkat nakita niya nang personal si Dr. Reinabelle Reyes, Associate Professor sa UP College of Science na isa sa mga inspirasyon niya sa larangan ng agham dahil sa mga natatanging tagumpay nito sa disiplinang ito.