| Alaiza Eunice S. Cruz
| Grizylle Lucinario

“Sobrang nakaka-fulfill ‘yung feeling lalo na’t unang gintong medalya ko rin ito mula sa mga internasyonal na kompetisyon at nakatutuwang dala ko ang pangalan ng paaralan kasama ang motto ng school na ‘aim for excellence’.”
 
Ito na lamang ang diin ni Filha Bautista, isang mag-aaral sa Pasay City National Science High School (PCNSciHS), matapos ang pagtamo ng gintong medalya sa Huling yugto ng Hong Kong International Mathematical Olympiad (HKIMO) sa Senior Secondary Category na ginanap sa Zoom meeting nitong ika-23 ng Agosto taong 2025.
 
Kasama ni Bautista ay nakuha rin ni Orange Alcaraz ng PCNSciHS ang ginto sa Secondary Category.
Giit ni Alcaraz ang kagandahan ng kanyang naging karanasan sa kompetisyon dahil sa hatid nitong bagong kaalamang mas nagpatibay ng kanyang interes sa Matematika.
 
“Para sa mga kabataang may pangarap sa larangang ito, ipagpatuloy lamang ang pagsusumikap, huwag panghinaan ng loob sa mga mahihirap na problema, at laging maniwala sa sariling kakayahan,” mensahe niya sa isang online interview.
 
Lumahok din ang ilang bansa gaya ng Hong Kong, Thailand, India, at iba pa sa HKIMO ng Math Olympiads Training League Inc. (MOTLI).
 
“Mathematics contest siya where in may heat round and final round. Need makakuha ng placing medals sa heat round para makaabot sa finals. Isa ang HKIMO sa mga contests na hawak ng MOTLI na ang focus ay mapagsama-sama ang mga batang interesado at magaling sa asignatura para magkaroon ng space para maka-thrive sila,” ani Bautista tungkol sa naturang paligsahan.
 
Ayon sa kanya, hindi lamang ito isang paligsahan kundi isang pagkakataon para mahubog ang kakayahan ng kabataan at mabuo ang komunidad ng mga mag-aaral na may hilig at galing sa matematika.
 
“Para sa mga math enthusiast, isang testigo ang paglalakbay kong ito na hindi natin agad-agad makukuha ang pinakamataas na gantimpala pero kaya nating sumubok nang paulit-ulit at tatandaang ang pinakaimportante sa lahat ay may nakukuha kang experience sa mga bagay na gusto mong ginagawa. Padayon,” diin niya para sa mga estudyanteng hilig ang matematika bilang asignatura.