Isinulat ni: G. Randie D. Pimentel, Guro sa Filipino, SHS  

Larawan ni: Shanelie Monique G. Dantes, Kalihim, KMAF

 

Naidaos nang matagumpay  ang pantas-aral tungkol sa Cybersecurity nitong ika-16 ng Agosto, 2024 sa Pasay City National Science High School sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino katuwang ang Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Asignaturang Filipino at Ang Liwanag bilang bahagi  ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 na may temang “Filipino:Wikang Mapagpalaya”.

Ibinahagi ni Dr. Mark Anthony F. Familaran  Punongguro ng Pasay City National Science High School ang kahalagahan ng cybersecurity lalo na sa mga mag-aaral na madalas na gumagamit ng internet at social media. Aniya “Walang masama sa paggamit ng mga AI na application ng mga  mag-aaral sa pag-aaral ngunit kailangang maging mapanuri, gamitin ito nang wasto at ingatan ang mga pribadong impormasyon sa paggamit ng social media at internet.”  dagdag pa niya malaki rin ang ginagampanan ng ating Wikang Pambansa sa paghubog sa mga mag-aaral  na magsisilbing daan tungo sa lubos na pagkatuto.

Detalyadong tinalakay ni Gng. Rose Ann Decena-Quezon ang mga mahahalagang paksa na kaugnay sa Cybersecurity, kabilang dito ang mga isyu ng posibleng mga sanhi ng online cyber-attack katulad ng  Phishing, hacking at malware. Nagbigay  rin si Gng. Quezon ng mga hakbang na makatutulong sa mga mag-aaral kung paano lubusang malalabanan ang mga  ganitong uri ng mga pag-atake online.

Sa huling bahagi ng palatuntunan ay ipinaalala ni Gng. Myra R. Jaime Tagapag-ugnay ng Kagawaran ng Filipino ang kahalagahan ng Wikang Pambansa bilang Wikang Mapagpalaya at ang patuloy na pagpapahalaga rito hindi lamang tuwing Buwan ng Wika bagkus ito ay isabuhay at gamitin ang mga natutuhan mula pantas-aral sa pang-araw-araw na pamumuhay.