: Jashley Damaso

Ginanap ang opisyal na oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng School Parent Teachers Association (SPTA) at Board of Directors (BOD) mula sa iba’t ibang paaralan sa Lungsod ng Pasay na ginanap sa Timoteo Paez Elementary School nitong ika-27 ng Agosto.

Dinaluhan ng ilang opisyal ng School Parents-Teachers Association (SPTA) mula sa iba’t ibang paaralan ang seremonya.

Kabilang sa mga dumalo sina Gng. Jenny M. Delos Santos, Pangulo ng SPTA; G. Noli A. Diaz, Kawaksing Pangulo ng SPTA; Gng. Nenita P. Daliva, Treasurer ng SPTA; Gng. Angelyn G. Langote, Auditor ng SPTA; at Gng. Irish M. Cañete, Kinatawan ng BOD, na kumakatawan sa Pasay City National Science High School.

Nagsimula ang programa sa mga paunang gawain at paunang mensahe ni Dr. Jeanne Rejuso, punong-guro ng Timoteo Paez Elementary School.

Dumalo rin sa seremonya si Mayor Emi Calixto-Rubiano, na nagbahagi ng kanyang talumpati hinggil sa mga programang inihanda ng Local Government Unit (LGU) upang suportahan ang mga proyektong isinusulong ng SPTA para sa bawat paaralan. Dagdag pa niya, laging bukas ang kanilang tanggapan ukol sa mga ito.

“Ang seremonyang ito ay isang paalala upang magsilbing tapat at maglingkod nang buong puso sa ating eskwelahan para sa mga nais na isulong na proyekto kung saan ang mga estudyante ang makikinabang,” wika ni Gng. Delos Santos na nagbigay ng kaniyang saloobin sa naganap na seremonya.

Ginanap ang seremonyang ito upang manumpa ang mga bagong opisyal ng SPTA at BOD nang matugunan ang kanilang mga tungkulin sa pagtulong sa paaralan, sa mga guro, at ng bawat mag-aaral.