| Althea D. Loro
| Leigh Ann Prado

Kilabot, takot, hilakbot… iyan dapat ang aking nadama ngunit iba. Hindi kapani-paniwala. Hindi ko inaakala na kung iyon ay aking nilagok, na kung ako’y nagpatukso, habang buhay ng matatali ang buhay ko.
Sa aking pagmulat, kakaibang paligid ang sumalubong. Bagaman hindi ko naalala, pakiramdam ko ay nakarating na ako roon. Malapit sa aming bahay. Alam kong hindi ito nalalayo sa amin. Ilang hakbang lamang. Subalit makalipas ang ilang sandali, isang bangin ang sa akin ay sumalubong. Ako’y nasa ibaba. Bumaling ako sa kanan. Sa kaliwa. Ngunit ang dating daan ay hindi ko na nasilayan.
Ang aking paningin ay dumapo sa itaas. Napatanong ako sa sarili, saan ko nga ba ito nasilayan? Inaninag ko ang lugar. Makulay, maingay, matao. Sa paglilibot ng aking tingin, sumalubong sa akin ang pares ng itim na mga mata.
Malapit.
Tahimik.
Nag-oobserba.
“Sino ka?” Tanong ko sa kanya. Hindi ito sumagot. Ngunit naglahad ng kamay. Nais nitong sumama ako sa kanya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, humakbang ako papunta sa misteryosong tao. Ilang sandali lamang ay hawak na nito ang aking mga palad. Diretso pa rin ang tingin sa akin.
Naglakad kami. Naglakad nang naglakad. Hanggang sa namalayan ko na lamang na kami’y paakyat na. Paakyat doon malapit sa ibabaw ng bangin na kanina’y abot- tingin ko lamang. Nag-alangan pa ako noong una dahil ito’y nakasisilaw.
“Saan tayo pupunta?”
Katahimikan. Hindi pa rin ito nagsalita subalit naglahad ito sa akin ng ginto. Isang maliit na ginto. Dahil doon ay napatingin ako sa hagdan na aking inaapakan. Ginto rin. Kumikislap. Nang-aakit.
Ngumiti siya akin. Ngiting walang ngipin. Gayunpaman, hindi nabawasan ang angkin nitong kagandahan. Lumakad siya at sumunod ako hanggang sa marating namin ang destinasyon.
Mga tao. Sobrang daming tao. Nagsasayawan at nag-aawitan. Napalilibutan ng makukulay na ilaw ang paligid. Malakas ang musika at sa mesa ay sandamakmak na pagkain ang nakalatag. Hindi ko mapigilang mamangha. Minsan lamang ako makakita ng ganito kagarbong pagtitipon. Idagdag pa na ang bawat isa sa mga tao rito ay hindi maipagkakaila ang alindog—lalaki man o babae.
Hindi alintana ang aming pagdating. Tuloy-tuloy lamang ang kanilang kasiyahan. Sa kabilang banda, iginiya ako sa malapit na lamesa ng aking kasama. Dahan-dahan ang kanyang kilos. Inabot nya ang pitsel na may lamang inumin. Inuming tila alak—tila kulay itim ang laman. Isinalin niya iyon sa baso saka iniabot sa akin.
Doon tumahimik ang paligid. Nilibot ko ang tingin at sa di malamang dahilan, lahat ng kanina’y nagsasaya ay nakatuon na sa akin ang mga mata. Iba-iba. May maliit, may malaki. May kayumanggi, may pula. Nakatitig nang diretso, malikot ang tingin… Isa lamang ang kanilang layunin. Ang magmatyag.
Tiningnan ko ang babasaging basong aking hawak. Sa tingin ko ay kailangan ko itong inumin. Pinagmasdan ko muli ang paligid. Tila ang lahat ay inaabangan ang aking kilos, lalong-lalo na ang nag-abot sa akin ng inumin.
Iginalaw ko ang aking kamay, akmang iinumin na ang laman nito ng—
“GISING!”



