Ginanap ngayong Huwebes, ika-26 ng Setyembre 2024, dakong alas-nuwebe ng umaga ang Third Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Pasay City National Science High School ngayong taong panuruan.
Sa pangunguna ng Batang Empowered at Resilient Team (BERT), Red Cross Youth (RCY), Boy Scouts of the Philippines (BSP), Dr. Mark Anthony F. Familaran, punongguro at mga guro ng PCNSciHS ay matagumpay na naisagawa ang paghahanda para sa posibleng pagtama ng malakas na lindol.
Ayon kay G. Randie Pimentel, tagapayo ng PaSci BERT, at Bb. Mae Claire Siguros, tagapayo ng PaSci RCY, matapos ang dalawang minuto at 40 segundo ay nakalabas na ang lahat ng mga mag-aaral.
Sa pakikiisa at pakikipagtulungan nina Chairman Alejandro Acabado III ng Brgy. 98 at Chairman Rommel V. Hernandez ng Brgy. 99 at iba pang mga opisyales ng nasabing mga barangay, naging matagumpay ang pagsasagawa ng earthquake drill.
Nagbahagi rin ng mga yugto ng earthquake drill ang BERT bilang gabay sa paglikas na nahahati sa anim: alarm, response, evacuation, assembly, head count, at evaluation.
Ang mga hard hat na ipinamahagi ng Pasay City Government ay nagamit din na magsisilbing proteksiyon sa naturang sakuna.
Kahit pangalawang araw ngayon ng Unang Markahang Pagsusulit ay naisakatuparan pa rin ang drill, patunay na ang buhay at kaligtasan ng mga mag-aaral ang unang prayoridad ng bawat isa sa paaralan.