| Alaiza Eunice S. Cruz| Grizylle Lucinario “Sobrang nakaka-fulfill ‘yung feeling lalo na’t unang gintong medalya ko rin ito mula sa mga internasyonal na kompetisyon at nakatutuwang dala ko ang pangalan ng paaralan kasama ang motto ng school na ‘aim for excellence’.” Ito na lamang ang diin ni Filha Bautista, isang mag-aaral sa Pasay City National Science High School (PCNSciHS), matapos ang pagtamo ng gintong medalya sa Huling yugto ng Hong Kong International Mathematical Olympiad (HKIMO) sa Senior Secondary Category na ginanap sa Zoom meeting nitong ika-23 ng Agosto taong 2025. Kasama ni Bautista ay nakuha rin ni Orange Alcaraz ng PCNSciHS ang ginto sa Secondary Category. Giit ni Alcaraz ang kagandahan ng kanyang naging karanasan sa kompetisyon dahil sa hatid nitong bagong kaalamang mas nagpatibay ng kanyang interes sa Matematika. “Para sa mga kabataang may pangarap sa larangang ito, ipagpatuloy lamang ang pagsusumikap, huwag panghinaan ng loob sa mga mahihirap na problema, at laging maniwala sa sariling kakayahan,” mensahe niya sa isang online interview. Lumahok din ang ilang bansa gaya ng Hong Kong, Thailand, India, at iba pa sa HKIMO ng Math Olympiads Training League Inc. (MOTLI). “Mathematics contest siya where in may heat round and final round. Need makakuha ng placing medals sa heat round para makaabot sa finals. Isa ang HKIMO sa mga contests na hawak ng MOTLI na ang focus ay mapagsama-sama ang mga batang interesado at magaling sa asignatura para magkaroon ng space para maka-thrive sila,” ani Bautista tungkol sa naturang paligsahan. Ayon sa kanya, hindi lamang ito isang paligsahan kundi isang pagkakataon para mahubog ang kakayahan ng kabataan at mabuo ang komunidad ng mga mag-aaral na may hilig at galing sa matematika. “Para sa mga math enthusiast, isang testigo ang paglalakbay kong ito na hindi natin agad-agad makukuha ang pinakamataas na gantimpala pero kaya nating sumubok nang paulit-ulit at tatandaang ang pinakaimportante sa lahat ay may nakukuha kang experience sa mga bagay na gusto mong ginagawa. Padayon,” diin niya para sa mga estudyanteng hilig ang matematika bilang asignatura.
Bonus, Nakibahagi sa SEAMO 2025
| Ghea Mae Nadera| John Roy Benzon Lumahok si Bryce M. Bonus, isang mag-aaral sa ika-8 na baitang, sa ginanap na Southeast Asian Mathematical Olympiad (SEAMO) 2025 na ginanap online noong Oktubre 18, 2025. Ang SEAMO ay isang kompetisyon para sukatin ang kaalaman ng mga estudyante sa iba’t ibang parte ng Matematika tulad ng Word Problems, Patterns and Puzzles, Logic, Geometry, Arithmetic, Analysis, at Algebra. Binigyan si Bryce ng sertipiko ng pakikilahok bilang pagkilala sa kaniyang pagsusumikap at sa pagrepresenta ng paaralan sa kompetisyon. Upang paghandaan ang kompetisyon, nag-review si Bryce ng mga aralin sa Grade 9 at 10. Ayon sa kaniya, “Advantage na may na-build ka nang knowledge at fundamentals bago ang competition upang masagutan ang mga tanong.” Matagumpay na isinagawa ang SEAMO 2025 online at naging maayos ang daloy ng kompetisyon.
23rd State of the City’s Children Address, Idinaos
| Jane Ashley Tuazon| John Roy Benzon| Dexter Ogale & Jayzhelle Cacanindin Isinagawa ang 23rd State of the City’s Children Address na may temang “OSAEC-CSAEM WAKASAN: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!” na dinaluhan ng mga kawani ng pamahalaan, kawani ng paaralan, at mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan ng Pasay, sa Cuneta Astrodome nitong ika-17 ng Nobyembre. Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Pasay City West Performing Arts, na binubuo ng dance troupe, chorale, dance sports, at angklung ensemble. Sinundan ito ng pagtatanghal ng EMI Performing Arts Ballet Group at EMI Performing Arts Rondalla. Pormal na sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Entrance of Colors ng Boy Scouts of the Philippines Cadets mula sa Pasay City West High School, na sinundan ng pag-awit ng Pambansang Awit at pagtatanghal ng Rondalla kasabay ng panalangin. Ipinahayag ni Gng. Mary Cris L. Balictar, RSW, Department Head ng Pasay City Social Welfare and Development Department (PSWDD), ang kaniyang pambungad na mensaheng, “Sa pagdiriwang na ito para sa mga bata, inaanyayahan ko kayong makiisa sa isang makabuluhang adhikain—ang pagtataguyod ng isang ligtas, mapagkalinga, at makatarungang lipunan para sa mga kabataan. Ang temang ‘OSAEC–CSAEM WAKASAN: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!’ ay isang matinding panawagan para sa ating agarang pagkilos laban sa online sexual abuse and exploitation of children, at sa pagkalat ng child sexual abuse and exploitation materials. Ito ay isang panawagan sa lahat ng sektor ng lipunan na magsanib-puwersa upang wakasan ang anumang uri ng karahasan laban sa mga kabataan.” Sinundan naman ito ng mensahe ni Cong. Antonino G. Calixto. Aniya, “Magsama-sama tayo, maging matatag, at ipahayag na sa Lungsod ng Pasay, ang kaligtasan at karapatan ng bata ay ating ipaglaban.” Naging tampok din ang panayam sa Alkalde, na nagbahagi ng mga kasalukuyang programa ng pamahalaang lungsod para sa mga bata, kabilang ang academics, sports development, dental services, at mga inisyatiba ng Pasay City Youth. Inilatag rin sa pagtitipon ang mga plano at programang isusulong sa ikatlong termino, gaya ng pagsasagawa ng educational field trips, pagpapalawak ng enhanced robotics program, pagtatayo ng scientific calculator mobile laboratories, at pagpapalakas ng arts and culture programs. Kabilang din dito ang pagpapatuloy ng hip-hop dance classes at iba’t ibang music lessons tulad ng guitar, drums, at voice training upang higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataan. Nagtapos ang programa sa pag-awit ng Solidarity Song, na nagsilbing sagisag ng pagkakaisa at kolektibong suporta para sa kapakanan at karapatan ng mga bata sa lungsod.
Pascians shine in Division-Wide Reading Proficiency Contest
via Emmanuel Salazar | The Quantum The Division-Wide Reading Proficiency Contest of Pasay City for Elementary and Secondary levels, with the theme, “Bridges of Understanding: Reading for Empathy, Critical Thinking, and Lifelong Learning,” was conducted at Padre Zamora Elementary School last November 14, 2025. Pasay City National Science High School students participated in the contest, with Martin Cedric Eneria placing first in the Grade 7 category, trained by Mrs. Ruwena Cascayan, Hannah Zarren Vere placing second in the Grade 9 category, trained by Mrs. Anabella Cusi, Rhian Jennica Franco achieving first in the Grade 10 category, under Mr. Mark Reniel Balolo, and Leon Corwin Manlangit taking top spot in the Grade 12 category under Ms. Jean Glenn Verdera. Mr. Restituto Rodelas, Chief Education Program Supervisor of the Curriculum Implementation Division, delivered his closing remarks, “May this experience serve as a reminder that reading will always open doors. Doors of opportunities, doors of wisdom, and doors to a world where learning never ends.” Photos by: Dexter Ogale
PCNSciHS, Pasok sa Top 10 ng Samsung Solve for Tomorrow 2025
| Christine Reeze Fernandez Idinaos ang pangmalawakang kompetisyon na Samsung Solve for Tomorrow 2025 na pinagbidahan ng mga piling mag-aaral ng ikasiyam na baitang ng Pasay City National Science High School na isinagawa sa pamamagitan ng pagpasa ng mga entries sa digital na plataporma mula Setyembre 11 hanggang Oktubre 26. Ang programa ay naglalayong pagtibayin ang kakayahan ng mga estudyanteng galing sa pampublikong paaralan ng Science sa paggamit ng mga solusyon sa ating komunidad na nakabase sa konsepto ng STEM. Kasabay ang paglinang at pagsanay ng kritikal at malikhaing pag-iisip. Nagsumite ang mga mag-aaral na sina Ghea Nadera, Jenaiah Interia, Sophie Hernandez, Daryn Buco, Cedrick Ramirez, at Gabriel Alfonso ng proyekto na may titulong “SARIMAX Forecasting of Rabbitfish (Siganus) Catch Volume in Pangasinan: Evaluating the Influence of Plastic-Induced Thalassia hemprichii Decline” sa gabay nina Bb. Rexielle Villareal at Bb. Anne Falcatan. Tagumpay na napabilang sa sampung (10) pinakamahusay na gawa ang kanilang proyekto na may layon na protektahan ang tirahan ng mga seagrass at gawing tuloy-tuloy ang pag-ani ng mga isda. Magpapatuloy sa pinal na presentasyon sa Disyembre 3, 2025 ang mga mag-aaral na nabanggit.
Division-Wide Reading Proficiency Contest, Ginanap
| Ayesha Salazar| Dexter Ogale Inilunsad ang Division-Wide Reading Proficiency Contest para sa elementarya at sekondarya ng Pasay City ngayong Nobyembre 14 sa Padre Zamora Elementary School na may temang “Bridges of Understanding: Reading for Empathy, Critical Thinking, and Lifelong Learning.” Nasungkit ni Martin Cedric Eneria ang Unang Gantimpala para sa ika-7 baitang sa ilalim ng pagsasanay ni Gng. Ruwena Cascayan. Nakamit naman ni Hannah Zarren Vere ang Ikalawang Gantimpala para sa ika-9 na baitang sa gabay ni Gng. Anabella Cusi. Nakuha naman ni Rhian Jennica Franco ang Unang Gantimpala para sa ika-10 baitang sa pagsasanay ni G. Mark Reniel Balolo. Pumwesto rin ni Leon Corwin Manlangit mula sa ika-12 baitang ang Unang Gantimpala sa gabay ni Bb. Jean Glenn Verdera. Ipinahayag ni G. Restituto I. Rodelas, Chief Education Program Supervisor ng Curriculum and Implementation Division, ang kanyang pagbati sa bawat nanalong kalahok sa kanyang pangwakas na pananalita. Aniya, “Every learner here is a winner. Because every one of you chose to challenge yourselves—to grow and to believe that you can. May this experience serve as a reminder that reading will always open doors. Doors of opportunities, doors of wisdom, and doors to a world where learning never ends.”
Araw ng mga Guro, Ipinagdiwang ng Lungsod ng Pasay
| Ayesha Salazar & Zacharie Macalalad| Gng. Arlyn Esber Ipinagdiwang ang World Teachers’ Day para sa mga guro ng Kalakhang Pasay na dinaluhan ng mga punongguro, kawaksing punongguro, at pangulo ng bawat paaralan sa Schools Division Office ng naturang lungsod nitong Nobyembre 12. Naisakatuparan ang programa nang sabay sa online platform na Microsoft Teams upang masaksihan din ng mga gurong nasa kani-kaniyang paaralan. Isinabay sa pagdiriwang ang Typhoon Relief Fundraising ng Lokal na Pamahalaan ng Pasay at ng Kagawaran ng Edukasyon bilang tugon sa mga naapektuhan ng Bagyong Tino at Uwan. Isinagawa rin ang raffle draw kung saan nagwagi sina Gng. Mary Grace T. Dela Cruz ng ₱1,000 at Gng. Shannen Dorothy P. Gomez ng 43-pulgadang Smart TV. Dumalo rin sa kaganapan sina Mayor Emi Calixto-Rubiano, Vice Mayor Mark Calixto, Councilor Ian Vendivel, at Councilor Luigi Calixto-Rubiano upang magbigay ng premyong salapi at maghatid ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng bagyo at sunog. Ibinahagi naman ni Dr. Quinn Norman Arreza, Assistant Schools Division Superintendent ng Pasay City, ang kanyang inspiradong mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagbibigay at malasakit sa kapwa. Aniya, “Giving to others, whether it’s our time, resources, or support doesn’t lead to poverty or scarcity. Instead, it implies that giving can enrich our lives and the lives of others. When we give, we open ourselves up to new experiences, connections, and opportunities.” Ipinahayag din ni Dr. Severo A. Bajado, Chief Education Supervisor for the School Governance and Operations Division, ang kanyang pasasalamat at paghanga sa dedikasyon ng mga guro sa kanyang pangwakas na pananalita. Ibinahagi niya ang mensaheng, “We are filled with gratitude, inspiration, and joy that only great teachers can form… So, my beloved teachers, thank you for the lessons you teach in the textbooks, for the patience you show when challenges arise, and for the hope you nurture in every learner.” Ipinamalas sa pagdiriwang na ito ang pagkakaisa ng DepEd Pasay at ng Lokal na Pamahalaan sa pagpaparangal sa mga guro habang sabay na isinusulong ang bayanihan para sa mga kababayang nangangailangan.
Learners’ Convergence 2025, ginanap sa Dumaguete City
| Jane Ashley Tuazon| SDO Pasay City Delegates Isinagawa ang Learners’ Convergence 2025, na dinaluhan ng ilang mga mag-aaral na bahagi ng Division Federation of Supreme Student Government, sa Dumaguete City noong ika-26 hanggang ika-31 ng Oktubre. Inorganisa ng Department of Education (DepEd) Philippines ang Learners’ Convergence o LearnCon, na nilahukan ng mga youth leaders, partikular na mga Supreme Student Government presidents, pati na rin ng iba pang mga kinatawan mula sa mga division federation. Layunin ng LearnCon na pagtipunin ang mga mag-aaral upang pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng kanilang mga komunidad at makabuo ng mga posibleng solusyon at polisiya. Iba’t ibang thematic sessions ang isinagawa sa pagtitipong ito upang tutukan ang mahahalagang aspeto ng lipunan tulad ng leadership, governance, at community development. Sa bawat sesyon, isang kinatawan mula sa bawat dibisyon ang lumahok upang makipagpalitan ng kaalaman at karanasan kasama ang mga delegado mula sa ibang rehiyon. Ayon sa kinatawan ng Pasay City National Science High School na si Filha Ray Penelope Bautista, “This LCPH has not only taught me that I am responsible and capable of action, but it also made me realize that I am surrounded by fellow young leaders who share the same passion for change, service, and leadership—individuals who inspire me to continue striving for growth and to make meaningful contributions to our community. I will make sure that the learnings I gained will not only stop in Dumaguete City but will continue to grow and be shared with others in my community.”
PaScians bumida sa eROBOLUTION Dubai 2025
| Zacharie Macalalad| Czyrish Conanan Nagwagi ang PaScians sa eROBOLUTION Dubai 2025: Global Olympiad in RAMPS (Robotics, AI, Math, Programming & Science) – Preliminary Rounds BATCH 2 na ginanap online noong Oktubre 10, 17, 25, at 26. Nasungkit ni Alzen Loyd B. Cruz ang unang pwesto sa Biology (Category 4), at ikalawang pwesto sa Chemistry (Category 4). Habang parehong nakamit ni Christian Dave Tabada ang ikalawang pwesto sa Chemistry and Biology (Category 3). Nagwagi naman sina Willard James H. Alfonso ng ikalawang pwesto sa Biology (Category 4), Orange Zyrille G. Alcaraz ng ikalawang pwesto sa Mathematics (Category 4), at Einsen Weins Vicente ng ikatlong pwesto sa Robosim (Junior High School Category). “Noong malaman ko po na 2nd place po ako, sobrang natuwa talaga ako kasi ramdam ko na nagbunga ‘ang mga oras na nilaan ko para dito,” ani Alcaraz. Ang mga kalahok sa ikatlong kategorya ay ang mga mag-aaral na mula sa ika-7 at ika-8 baitang, at ang mga kalahok sa ikaapat na kategorya ay mga mag-aaral mula sa ika-9 at ika-10 baitang. Layunin ng paligsahan na ito na paunlarin ang kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng robotics, artificial intelligence, matematika, programming, at agham; at bigyang-daan ang internasyonal na kompetisyon para sa inobasyon. Ang Top 3 placers na nagkamit ay magsisilbing kinatawan ng Pilipinas sa Global Finals ng paligsahan na gaganapin sa Dubai. Nakamit ng mga mag-aaral ang tagumpay na ito sa tulong at gabay ni Gng. Aizah C. Agub-Ariz, Gurong Tagapagsanay na sinuportahan ni Gng. Lejanie T. Baya, Puno, Kagawaran ng TLE-ICT, sa ilalim ng pangangasiwa nina Gng. Sara Jane T. De Los Santos, Kawaksing Punongguro, at Dr. Mark Anthony F. Familaran, Punongguro.
Bumida si Viterbo: PCNSciHS, Balik National!
| Adrian Banaag| Grizylle Lucinario Nasungkit ni Gillian Viterbo ng Pasay City National Science High School (PCNSciHS) ang unang pwesto sa kategoryang “Physical Science Individual – Best Project” sa Regional Science and Technology Fair (RSTF) 2025 na ginanap sa Alejandro Albert Elementary School, Manila nitong ika-8 ng Nobyembre. Sa gabay ng kaniyang tagapagsanay na si Gng. Shannen Dorothy Gomez, tagapagsanay ng baitang 11, nakuha rin niya ang Best Presenter at ang ikaapat na puwesto sa Best Display Board – Physical Science Individual Category. “Sa totoo lang, akala ko hanggang Regionals na lang ‘yung mararating ng study na ‘to kaya nung tinawag ‘yung division natin na magre-represent sa Nationals, sobrang saya ko para sa buong Pasay Science dahil nakita ko ‘yung dedikasyon at kagustuhan ng mga tao na tumulong sa akin para ipanalo ‘to” ani Viterbo . Ang kanyang pagkapanalo ang nagmarka nang muling pagbabalik ng PCNSciHS sa National Science and Technology Fair (NSTF) matapos ang tatlong taon. Huling nakamit ng PCNSciHS ang karangalang ito noong RSTF 2022, kasama sina Xyve Flores, Sherlyn Rodriguez, at Nathania Ursos, sa ilalim ng paggabay ni Gng. Johann Shaira Malicana at Gng. Anne Patricia Fontelar. Dagdag pa niya, “Sa paghahanda ko sa NSTF, isa lang ‘yung dapat isaalang-alang at ‘yon ay makinig at maging open minded tayo sa mga pagkukulang, pagkakamali o mga posibleng revisions sa presentation and paper kasi ‘yon naman talaga ang susi para sa tagumpay dapat alam mong laging may room for improvement.



