Isinulat ni Jashley Damaso
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Mga larawan nina Derick Sistoso at Chainne Guevarra
Sinuri ni Gng. Myra R. Jaime

Nagtapos nang matagumpay ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan na ginanap sa gymnasium ng Pasay City National Science High School ngayong ika-31 ng Marso na dinaluhan ng lahat ng mag-aaral.

Pormal na sinimulan ang programa sa pagpupugay sa pambansang awit na sinundan ng panalangin at himno ng Lungsod ng Pasay. Ang mga kanta at panalangin ay binigyang salin sa sign language nila Gillian Viterbo at Rheneoah Guerrero mula sa ika-10 baitang.

Nagpatuloy ang programa sa pagrampa ng mga kababaihang mag-aaral na kumakatawan sa iba’t ibang larangan ng mga kababaihan gaya ng kababaihan sa STEM at makinarya, agrikultura at pangingisda, edukasyon, at pulitika.

Sinundan ito ng Quiz Bee na nilahukan ng mga piling mag-aaral sa bawat baitang.

Dumaloy ang programa sa pagkilala, pagbibigay sertipiko at mga medalya sa mga nagwagi sa bawat kompetisyon ng buwan ng mga kababaihan.

Ipinahayag nina Arkin Espeso at Yelena Fabricante ang mga nagwagi sa bawat kompetisyon na pinarangalan ng punongguro ng paaralan na si Dr. Mark Anthony Familaran, katuwang na punongguro ng paaralan na si Gng. Sara Jane Delos Santos, at ang Pinuno ng Kagawaran ng AP/ESP na si G. Emerson Constantino.

Isinagawa ang isang panunumpa ng pangako na nilahukan ng mga kinatawan ng bawat organisasyon ng paaralan na pinangunahan ni Arkin Espeso.

Nagtanghal naman ng isang awitin na pinamagatang “Liwanag sa Dilim” si Althea Ventura, gayundin sina Eve, Althea, Orange, at Jessica, mula sa ika-8 baitang at Mekylla Villapaña ng Le Compendium.

Inihatid ni Gng. Rebecca O. Esguerra, GAD focal person, ang pangwakas na pananalita upang wakasan ang programa at magbigay souvenir sa mga kaguruan.

Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng isang awit na nagbigay pagkakaisa, pagtaas ng tinig ng bawat isa, at pagpapalakas sa bawat isa.

Naging matagumpay ang programang ito sa tulong ng iba’t ibang organisasyon ng paaralan tulad ng: SSLG, Ang Liwanag, The Quantum, Glee Club, BAYANI, GSP at BSP, Le Compendium, Kalakbay, at Prisma.