| Ayesha Salazar & Zacharie Macalalad
| Gng. Arlyn Esber

Ipinagdiwang ang World Teachers’ Day para sa mga guro ng Kalakhang Pasay na dinaluhan ng mga punongguro, kawaksing punongguro, at pangulo ng bawat paaralan sa Schools Division Office ng naturang lungsod nitong Nobyembre 12.
 
Naisakatuparan ang programa nang sabay sa online platform na Microsoft Teams upang masaksihan din ng mga gurong nasa kani-kaniyang paaralan.
 
Isinabay sa pagdiriwang ang Typhoon Relief Fundraising ng Lokal na Pamahalaan ng Pasay at ng Kagawaran ng Edukasyon bilang tugon sa mga naapektuhan ng Bagyong Tino at Uwan.
 
Isinagawa rin ang raffle draw kung saan nagwagi sina Gng. Mary Grace T. Dela Cruz ng ₱1,000 at Gng. Shannen Dorothy P. Gomez ng 43-pulgadang Smart TV.
 
Dumalo rin sa kaganapan sina Mayor Emi Calixto-Rubiano, Vice Mayor Mark Calixto, Councilor Ian Vendivel, at Councilor Luigi Calixto-Rubiano upang magbigay ng premyong salapi at maghatid ng tulong sa mga mamamayang nasalanta ng bagyo at sunog.
 
Ibinahagi naman ni Dr. Quinn Norman Arreza, Assistant Schools Division Superintendent ng Pasay City, ang kanyang inspiradong mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagbibigay at malasakit sa kapwa.
 
Aniya, “Giving to others, whether it’s our time, resources, or support doesn’t lead to poverty or scarcity. Instead, it implies that giving can enrich our lives and the lives of others. When we give, we open ourselves up to new experiences, connections, and opportunities.”
 
Ipinahayag din ni Dr. Severo A. Bajado, Chief Education Supervisor for the School Governance and Operations Division, ang kanyang pasasalamat at paghanga sa dedikasyon ng mga guro sa kanyang pangwakas na pananalita.
 
Ibinahagi niya ang mensaheng, “We are filled with gratitude, inspiration, and joy that only great teachers can form… So, my beloved teachers, thank you for the lessons you teach in the textbooks, for the patience you show when challenges arise, and for the hope you nurture in every learner.”
 
Ipinamalas sa pagdiriwang na ito ang pagkakaisa ng DepEd Pasay at ng Lokal na Pamahalaan sa pagpaparangal sa mga guro habang sabay na isinusulong ang bayanihan para sa mga kababayang nangangailangan.