Isinulat ni Vincent Durante
Iwinasto ni Joebbie Krizel Gaugano
Sinuri nina Gng. Myra Jaime at Matthew Vitug
Mga larawan nina Mervyn Mason Valdez at John Michael Rodolfo
Ipinagdiwang ang school-based teachers’ day sa gymnasium ng Pasay City National Science High School na dinaluhan ng lahat ng mag-aaral at guro ng paaralan nitong umaga ng ika-7 ng Oktubre upang magpakita ng pagpapahalaga sa suporta na bigay ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral.
Sinimulan ni Gng. Arlene Arcellana ang programa sa pamamagitan ng pambungad na pananalita pagkatapos ng pambansang awit ng Pilipinas, panalangin sa Diyos, at himno ng Pasay, na pinangunahan ng PaSci Chorale.
Pagkatapos ay nagpa-raffle ang mga host para sa mga guro ng PaSci na may premyo na iba’t ibang kagamitan at pera bago magsimula ang iba’t ibang laro.
Ang unang laro na ginanap ay ang “Gimme Five.” Ang mga guro sa iba’t ibang kagawaran ay naglaban-laban at ibinigay ang lahat ng kanilang pagsisikap at mga sagot sa paligsahan; sa huli, ang Kagawaran ng Filipino, Araling Panlipunan at Edukasyon sa Pagpapakatao ang nanalo.
Matapos ang matinding labanan sa paligsahan, muling nagpa-raffle ang mga host para sa mga guro ng PaSci bago magsimula ang intermisyon ng The Pascian Glee Club at ang pangalawang paligsahan.
Hatid ng banda ng baitang 9 at 12 ang nasabing pagtatanghal.
Nagwagi ang Kagawaran ng Filipino sa larong “PaScian Feud” pagkatapos ng pangalawang raffle.
Matapos ang matinding labanan sa paligsahan, muling nagpa-raffle ang mga host para sa mga guro bago magsimula ang pangatlong laro.
Sinundan ito ng larong “Tumpakners,” kung saan ang mga kasama ng mga manlalarong guro ay ang mga mag-aaral ng paaralan. Nagwagi ang pares nina Gng. Demetria Lappay at Beia Loreez Rafanan sa paligsahang ito.
Matapos ang huling laro, sa ngalan ni Dr. Mark Anthony F. Familaran, punongguro ng paaralan, pinangunahan ni Gng. Jackyline T. Lagaña, puno ng Kagawaran ng Ingles, ang pamamahagi ng sertipiko ng pagkilala sa mga guro na nagbahagi ng kanilang kaalaman sa mga mag-aaral sa loob ng maraming taon.
Nagkaroon din ng intermisyon ang Music and Entertainment ng sarili nilang komposisyon na awit; habang kumakanta, ang ilang mga miyembro ng SSLG ay namahagi sa mga guro ng mga garapon na may lamang liham, mayroon ding mga rosas, ream ng A4 bond paper at iba pa na mula sa iba’t ibang baitang.
Ang Galaw Siyensiya ay nagpasaya rin sa buong paaralan sa pamamagitan ng pagsasayaw.