Written By: Zacharie Macalalad
Napabilang sa Top 15 finalists ang Pasay City National Science High School (PCNSciHS) sa dalawang kategorya ng 4th Husay ng Soksay, isang National Inter-High School Social Science Competition na pinangunahan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) Sociology Society.
Kasama sa labinsiyam na kalahok ang PCNSciHS na tabla para sa top 15 ng Alingawngaw ng Soksay: Speech Competition at Salaysay, Soksay: Kwento ng Lipunan; Short Film Contest.
Kinatawan ni Martha Ysabelle Clave ang speech competition kung saan ipinahayag niya kung paano nagkakapareho ang kwento ng kanyang ina at sa madaming Pilipino ukol sa kalidad ng serbisyong pang-ospital ng Pilipinas.
“It’s about how yung kwento ng mother ko po and [ng] madaming Pilipino ay iisa kasi sobrang hirap po makamit ang magandang kalidad na serbisyo sa mga ospital lalo na po kung overwork at underpaid ang mga nagtatrabaho,” ani Clave.
Dagdag pa niya, “nabibigyan ko ng light ang isang kama na naglalaman ng libo- libong istorya ng bawat Pilipinong nagsa- suffer sa ospital.”
Samantala, kinatawan naman nina Rolando Teves, Freya Tugade, Graciela Balucan, Johnella Garcia, Lyla Antonio, Roneza Bernasor, at ni Clave ang short film competition.
Isa rin ang kanilang short film na pinamagatang “Panasibo” sa labinsiyam na mga kalahok na nagtabla para sa Top 15 ng kategoryang ito.
“Pinamagatan po namin ang aming film na ‘Panasibo’ bilang pinaikling bersyon ng ‘Pagod na si Bobbie,’ na sumasalamin sa matinding pagod na nararanasan ng aming pangunahing tauhan. Kaugnay din po ito ng salitang ‘pasibo,’ na nangangahulugang pananahimik o hindi na paglaban,” ani Antonio, direktor ng pelikula.
Ayon pa sa kanya, “ang mensahe po na nais naming iparating ay ipakita na ang kabataan ay hindi mahina, kundi tahimik lamang na lumalaban sa mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Madalas silang napagkakamalang reklamador o kulang sa tiyaga, ngunit ang totoo, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila kahit hindi ito napapansin.”
Matagumpay na napabilang ang mga mag-aaral sa gabay ni G. Emerson Constantino, Master Teacher II, Araling Panlipunan Department.










