| Alaiza Eunice S. Cruz
| Gng. Abegail Villanueva
| Ayesha Salazar
Nagpamalas ng kahusayan ang mga mag-aaral ng Pasay City National Science High School (PCNSciHS) sa Senior High School Statistics Quiz Bee na inorganisa ng City Planning and Development Office (CPDO) ng Pasay City na may temang “Excel, Measure, Infer: Battle of the Young Statisticians 2025” na ginanap sa Selah Pods Hotel Manila, Pasay City ngayong ika-29 ng Oktubre.
Lumaban ang 25 paaralan mula sa lungsod kung saan 10 koponan ang nakapasok sa Semi-Final at Final Rounds matapos ang Elimination Round.
Nakamit ng PCNSciHS Team A na binubuo nina Joebbie Krizel V. Gaugano, Julie Mael M. Dimla, at Sofia Michiko L. Yamamoto ang kampeonato na may kabuuang puntos na 76, habang sinundan ito ng PCNSciHS Team B na kinabibilangan nina Julie Anne H. Gatmin, Neil Josh D. Icaro, at Beia Loreez M. Rafanan na nagtala ng 71 puntos, sa pagsasanay ni Gng. Abegail Villanueva.
Sumunod naman sa ikatlo hanggang ikalimang pwesto ang San Juan De Dios Educational Foundation, Inc. College, National University–Mall of Asia, at Manila Tytana Colleges.
Ipinahayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa isang post na layunin ng aktibidad na palalimin ang pag-unawa ng mga kabataang Pasayeño sa estadistika bilang isang mahalagang kasangkapan sa paggawa ng desisyon at pagpapaunlad ng lipunan.
Ibinahagi naman ni Sofia Michiko Yamamoto na bagama’t hindi naging madali ang kompetisyon, naghatid ito ng mga panibagong kaalaman at karanasang kanilang babaunin sa hinaharap.
Hinimok din niya ang mga kabataang nagnanais magtagumpay sa larangan ng estadistika na huwag sumuko sa hamon ng mga numero sapagkat ito ang magbubukas ng pinto tungo sa mas malalim na pag-unawa sa mundo.
![]() |
![]() |





