| Zacharie Macalalad

Ginanap ang Philippine Red Cross (PRC) Pasay City Chapter Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) Caravan sa Pasay City National Science High School, na dinaluhan ng ilang mag-aaral, guro, at kawani ng paaralan ngayong ika-29 ng Setyembre.

Isinagawa ang caravan alinsunod sa Proklamasyon Blg. 551 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kilala rin bilang “Pambansang Araw ng Cardiopulmonary Resuscitation.”

Nagkaroon ng talakayan si G. Fernando N. Atienza, Chapter Service Representative – Safety Services ng PRC Pasay City Chapter, tungkol sa mga sintomas ng isang taong nakararanas ng heart attack at cardiac arrest, kahalagahan ng CPR, pati na rin ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pagsasagawa nito.

Binigyan din ng CPR training ang mga mag-aaral na nakibahagi sa programa, sa gabay nina G. Atienza, G. Lloyd Vincent A. Sumodebila, Chapter Volunteer ng parehong sangay ng PRC, at mga opisyal ng Red Cross Youth (RCY) – PaSci.